Hindi pa raw komportableng pag-usapan ng aktor na si Aljur Abrenica ang tungkol sa umano'y dalawang anak nila ng karelasyong si AJ Raval, na nauna nang mabuking ng ama ng huli na si Jeric Raval.
Matatandaang sa isang media conference, "nadulas" si Jeric na may mga apo na siya kina AJ at Aljur.
Pag-amin naman ni Jeric sa pagsalang niya sa "Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA)" noong Setyembre 30, kinumpirma niyang sa kasalukuyan ay 15 na ang mga apo niya sa mga anak.
Sa huling guesting ni Jeric sa nabanggit na talk show, nasa 13 pa lamang ang mga apo niya, pero ngayon nga ay 15 na dahil sa dalawang anak nina AJ at Aljur.
Natanong ni Boy si Jeric kung nagalit ba ang dalawa sa kaniya.
"Hindi naman, actually nadulas lang ako no'n eh," natatawang sagot ni Jeric.
Ikinuwento ni Jeric na hindi niya namalayang nasabi na niya ang totoo sa isang press conference, at ayaw naman daw niyang i-deny ang mga nasabi na niya dahil magmumukha naman siyang sinungaling.
Kaya naman nang maurirat si Aljur tungkol dito sa pamamagitan ng media conference nitong Martes, Oktubre 14, humingi siya ng pasensya sa mga miyembro ng media dahil hindi pa raw siya komportableng pag-usapan ang tungkol dito.
Nilinaw rin ni Aljur na malaki ang respeto niya kay Jeric, at alam niyang may mga bagay na nakikita ang ama ni AJ bilang ama, na hindi niya nakikita.
KAUGNAY NA BALITA: 'Nasabi ko na eh!' Jeric aminadong 'nadulas' na may anak na sina AJ at Aljur