Pabirong bumanat si Vice President Sara Duterte sa isang media outlet matapos umano nitong gamitin ang “pangit” niyang litrato.
Ibinahagi ito ni VP Sara sa isinagawang press briefing ng Office of the Vice President sa Universidad de Zamboanga, Tetuan, Zamboanga City, nitong Martes, Oktubre 14.
“Pakisabi diyan sa opisina ninyo ha, na ayus-ayusin naman nila ‘yong picture ko, ‘yong picture na gamitin nila, ‘yong maganda ako, huwag ‘yong pangit ako,” ani VP Sara.
“Wala naman akong pakialam kung anong sasabihin ng inyong [outlet] about sa akin, basta paniguraduhin lang ninyo na maganda ‘yong picture ko,” aniya.
Pabiro ding kinuwestiyon ng Bise Presidente ang paggamit nito ng mas magandang litrato sa kaniyang “kalaban,” gayong ayon sa kaniya, sa katotohanan daw ay mas maganda umano siya rito.
“Bakit ‘yong mga kalaban ko, magaganda ‘yong mga picture na ginagamit nila? Bakit pangit ‘yong picture na ginagamit? Saan na ‘yong mga tiga-Office of the Vice President? Padalhan n’yo nga ito siya ng mga magagandang picture ko para ‘yon ang gamitin nila, please lang,” anang Bise Presidente.
“‘Di ba, ma’am? Napansin mo ‘yon, ma’am? ‘Yong kalaban ko, maganda ‘yong photo, tapos ako pangit ‘yong photo. E ang katotohanan naman, mas maganda naman ako doon sa kalaban ko, ma’am?” dagdag pa niya.
Inilahad niya ang birong ito matapos umanong gamitin ng nasabing media outlet ang kaniyang litrato, kung saan makikitang siya ay nakanganga.
Vincent Gutierrez/BALITA