Nilinaw ni Vice President Sara Duterte na hindi umano niya hawak si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kaugnay sa mga kontrobersyal na ginagawa niya laban sa pamahalaan.
Ayon sa isinagawang press conference ni VP Sara sa Zamboanga City nitong Martes, Oktubre 14, 2025, sinabi niyang hindi niiya umano pakawala ang congressman.
“Hindi ko pakawala si Kiko Barzaga,” anang Vice President.
“Sa tingin niyo ba, sa personality ni Congressman Kiko Barzaga, isa siyang tao na ma-handle ng kahit sinoman,” pahabol pa niya.
Pagpapatuloy ni VP Sara, nakikita naman umano ng marami ang sariling pag-iisip at prinsipyo ni Barzaga.
“Nakikita n’yo naman ‘yong kaniyang independence sa kaniyang pag-iisip, e. Nakikita n’yo din ‘yong kaniyang lakas ng loob. Nakikita n’yo din ‘yong prinsipyo niya,” saad niya.
Inihalimbawa rin ni VP Sara na hindi umano parte si Barzaga ng Uniteam noong nagkausap sila sa rally nila sa Dasmariñas Cavite noong panahon ng kanilang eleksyon.
“Unang una ‘yong mga magulang niya, hindi Uniteam ‘yon, ha. Si Kiko Barzaga, Uniteam. Hindi ‘yan nakikinig sa mga magulang niya, ibig sabihin. So, bakit ‘yan makikinig kay Sara Duterte?” ‘ika pa niya.
“So, no, I do not control Congressman Kiko Barzaga. He his own person, he has his own principle, and he has his own free will,” paggigiit ni VP Sara.
Sinang-ayunan naman ng Vice President na wala umanong mali sa mga ginagawa at sinasabi ni Barzaga.
“There is nothing wrong at all with what he is doing because as I said, tayong lahat, we are covered by the freedom of speech and expression,” paliwanag pa niya.
“Unfortunately, meron tayong administrasyon na hindi nila matanggap na mayroon talagang mga tao na number one hindi natatakot, number two hindi nabibili ng pera,” pagtatapos pa ni VP Sara.
Mc Vincent Mirabuna/Balita