Tila suportado ng Kapuso comedienne at TV host na si Pokwang ang panawagan ng mga magulang na nagpapaaral ng mga anak sa pribadong paaralan, na sana rin ay mag-shift na lamang sa online classes ang mga klase, at huwag munang mag-face-to-face classes.
Kaugnay ito sa pagsususpinde ng face-to-face classes ng Department of Education (DepEd) sa mga pampublikong paaralan sa buong Metro Manila mula Oktubre 13 hanggang Oktubre 14, dahil sa dumaraming kaso ng influenza-like illnesses at ng sunod-sunod na paglindol kamakailan.
Bukod sa Metro Manila, ilan pang mga lalawigan ang nagsuspinde na rin muna ng face-to-face classes upang masuri ang mga gusali ng paaralan at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Isa na nga rito ang lalawigan ng Laguna, na nakasuspinde mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 31, pero sa pagkakataong ito, parehong pampubliko at pampribadong paaralan.
Kaya naman sa Instagram stories ni Pokwang, tila kinalampag ni Pokwang ang mga nasa pribadong sektor upang magdesisyon na ring mag-shift muna sa alternative mode of learning kagaya ng online classes.
"So dahil naka private school mga anak namin di sila apektado sa maaaring darating pa na lindol??" saad ni Pokwang.
"ano gawa ba sa titanium mga anak namin? susme!! bagal mga desisyon nitong mga nasa private! kaloka kayo!" aniya pa.
Photo courtesy: Pokwang (IG) via Fashion Pulis
Sa isa pang Instagram story, naka-tag na ang Instagram account ng DepEd Philippines.
"@depedphilippines beke nemen po......"
"PETITION FOR ONLINE CLASSES due to earthquakes happening in the country!"
"bilang nanay labis ang pag-aalala sa mga nangyayare ngayon para sa mga anak," saad pa niya.