Tila gumuho ang mundo ng 30-anyos na si Jeanine Pauline Miñoza matapos niyang matanggap ang balitang nasawi ang kaniyang tatlong anak sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Sto. Domingo, Martes ng umaga, Oktubre 14, 2025.
Sa video na ibinahagi ng ABS-CBN News, mapapanood na habang nanginginig at umiiyak ay napalupasay si Miñoza sa harap ng mga nasusunog pang bahay at paulit-ulit na sumigaw, “Bakit? Bakit ang mga anak ko?”
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dalawang lalaki at isang babae, edad 10, 7, at 5 ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng kanilang tahanan nang mabilis na kumalat ang apoy sa kabahayan.
Nagsimula umano ang sunog pasado 11:00 ng umaga ngayong Martes, Oktubre 14 at nakontrol naman bandang 12:18 ng tanghali.
Base sa salaysay ni Miñoza, iniwan nila ng kaniyang asawa ang mga bata na mahimbing na natutulog sa kanilang bahay bago sila bumiyahe patungong Maynila upang asikasuhin ang CT-scan ng kaniyang inang may karamdaman.
Bago malamang kasama ang mga anak sa mga namatay sa sunog, nakapanayam pa ng media si Miñoza habang pumapalahaw ng iyak dahil hindi pa makita ang mga anak niya.
Sa panayam naman sa tito at lola ng mga bata, sinabi nilang hindi raw nila napansing hindi pa nakakalabas ang mga bata sa kanilang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay.
Hindi pa natukoy kung ano ang sanhi ng nabanggit na sunog.