Nalunod ang isang college student sa Rodriguez, Rizal kamakailan.
Isang college student ang patay nang tangayin ng malakas na agos ng tubig sa ilog sa Rodriguez, Rizal.
Ito ay matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig ang college student na kinilalang si alyas "Aldous," 20, college student, at residente ng Brgy. Burgos, Rodriguez, Rizal.
Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-2:00 ng hapon noong Linggo, Oktubre 12, nang maganap ang insidente sa Wawa River, na sakop ng Sitio Wawa, sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, ngunit nitong Lunes lamang ito naiulat sa kanilang tanggapan.
Nauna rito, nagkayayaan umano ang biktima at ilang kaanak na magtungo sa ilog upang mamasyal.
Pagdating doon, nahikayat ang biktima at ilang pinsan na lumusong at maglakad sa mababaw na bahagi ng ilog.
Gayunman, nakatuwaan umano ng biktima na magtungo pa sa mas malalim na bahagi ng ilog.
Laking gulat naman ng mga kaanak ng biktima nang pagdating ng biktima sa gitnang bahagi ng ilog ay bigla na lang itong tinangay ng malakas na agos ng tubig at inanod sa mas malalim pang bahagi nito.
Tinangka pa umano ng mga kaanak na sagipin ang biktima ngunit nabigo sila dahil sa mabilis na pagragasa ng tubig.
Ilang residente ang nakadiskubre sa walang malay na biktima sa pampang ng ilog at kaagad na isinugod sa Ynares Hospital ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.