Nakatakda muling magkasa ng kilos-protesta ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) para mapanatili ang public pressure at manawagan ng pananagutan sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang Facebook post ng TAMA NA nitong Lunes, Oktubre 13, nakasaad doon na pangungunahan umano ng kabataan ang major rally sa Mendiola sa Oktubre 17.
“The youth refuse to be silent while billions in public funds are stolen. We will bring our voices to the gates of power,” pahayag ng mga organizer.
Samantala, magsasagawa rin ng kilos-protesta sa Oktubre 21 sa Liwasang Bonifacio ang grupo ng mga magsasaka mula sa mga komunidad na apektado ng mga maanomalya at subastandard na proyekto ng gobyerno tulad ng flood control at farm-to-market roads.
Ani ng mga convenor, “These actions are part of our growing people’s movement against corruption and neglect. The government cannot sweep this under the rug.”
“Ang taumbayan ay hindi titigil. Hindi ito isang protesta lang. Isang kilusan ito laban sa korapsyon at kawalang pananagutan,” dugtong pa nila.
Matatandaang TAMA NA ang nasa likod ng “Baha Sa Luneta” rally na ikinasa noong Setyembre 21.
Dinaluhan ito ng libo-libong katao kabilang na ang mga estudyante, manunulat, guro, religious communities, artista, at iba pang grupo upang ipakita ang kanilang pagtutol laban sa talamak na korupsiyon.