December 16, 2025

Home BALITA

OCD, tinawag na 'human disaster' ang isyu ng korapsyon kaugnay ng anomalya sa flood control

OCD, tinawag na 'human disaster' ang isyu ng korapsyon kaugnay ng anomalya sa flood control
Photo courtesy: Contributed photo

Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) ng mas mahigpit na pananagutan sa paggastos ng pondo para sa disaster risk reduction and management efforts, kabilang ang flood control projects.

Sa pagdiriwang ng International Day for Disaster Risk Reduction (IDDRR) sa SM Mall of Asia nitong Lunes, Oktubre 13, 2025, sinabi ni OCD Assistant Secretary Cesar Idio na ang paulit-ulit na pagkalugi ng Pilipinas dahil sa mga kalamidad ay hindi lamang dulot ng natural disaster, kundi pinalalala rin ng korapsyon sa mga programang dapat sana ay nagpoprotekta sa mga komunidad.

“It pains us to know that the funds meant to rescue them from danger and misery are used instead for the benefit of a few,” ani Idio. 

Dagdag pa niya, "Today, as we promote risk awareness and disaster risk reduction, we also pray that our government succeeds in its fight against corruption, which unfortunately has become a human disaster."

National

'Nandito si Mama, naghihintay sa 'yo!' Nanay ng nawawalang bride-to-be, nanawagang maibalik nang maayos ang anak

Ang pahayag ni Idio ay kasabay ng pananatili ng Pilipinas bilang pinaka-disaster-prone na bansa sa mundo, batay sa 2025 World Risk Index kung saan nakakuha ito ng iskor na 46.56 high vulnerability risk bilang isang bansang disaster-prone.

Ayon sa kaniya, nakararanas ang bansa ng humigit-kumulang 20 bagyo kada taon, bukod pa sa madalas na pagbaha, tagtuyot, lindol, at pagsabog ng bulkan — mga kalamidad na inaasahang lalakas ng hanggang 40% pagsapit ng 2030 dahil sa climate change.

KAUGNAY NA BALITA: Pilipinas, nanguna bilang 'most disaster-prone' country ayon sa WorldRiskIndex 2025

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa ₱500 bilyon ang kabuuang pinsala ng mga kalamidad sa nakalipas na dekada. 

Bilang tugon, sinabi ni Idio na tinaasan ng pamahalaan ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund sa ₱20 bilyon para sa 2025, ₱500 milyon na mas mataas kaysa nakaraang taon, at halos kalahati nito ay nailabas na hanggang Agosto.