Magpapatupad ang Manila Electric Co. (Meralco) ng 23 sentimo kada kilowatt hour (kWH) na dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan ng Oktubre.
Ayon sa Meralco, dahil sa naturang dagdag-singil, ang overall rate para sa isang typical household ay magiging ₱13.3182/kWh na ngayong buwan, mula sa dating ₱13.0851/kWh lamang noong Setyembre.
Ipinaliwanag ng Meralco na ang pagtataas ng singil ay bunsod ng mas mataas na generation charge na nadagdagan ng ₱0.1903/kWh, gayundin ng paghina ng piso kontra dolyar.
Anang electric company, ang dagdag-singil ay nangangahulugan ng ₱47 na karagdagang bayarin para sa mga tahanang nakakagamit ng 200 kwh kada buwan; P70 naman sa mga nakakakonsumo ng 300 kwh; ₱93 sa mga nakakagamit ng 400 kwh at ₱117 sa mga tahanang nakakakonsumo ng 500 kwh kada buwan. Mary Ann Santiago