Sumagot si Cora Guidote—dating Investor Relations head ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)—matapos pabulaanan ng Philippine Stock Exchange, Inc. (PSE) ang pahayag niyang nalagasan umano ito ng ₱5 trilyon sa market capitalization.
Sa latest Facebook post ni Guidote nitong Lunes, Oktubre 13, sinabi niyang galing umano sa PSE ang datos na ginamit niya sa kaniyang pagsusuri.
“Fake daw yung analysis ko, e galing din naman sa kanila yung ginamit kong datos. At yun din naman ang ginamit ng mga banyagang analysts kaya nga expressed in US dollars yung datos,” saad ni Guidote.
“Basta lang may masabi, e talaga namang bagsak ang stockmarket ng Pilipinas,” pagpapatuloy niya. “Sumadsad na nga nitong nakalipas na dalawang taon. Dahil nga bagsak na din ang business and investor confidence.“
Dagdag pa ng dating opisyal ng BSP, “Paano pa babangon kung galit na galit na ang mga tao sa matinding korapsyon na nakikita o hindi nakikita dahil ghost nga pala. Tapos wala pa ni isa ang napapanagot hanggang ngayon.”
Ayon kay Guidote, napagdaanan na umano niya ang mga “bear” markets sa mahigit tatlong dekada niya sa equities business. Kabisado na umano niya ang maaaring magpadapa sa Pilipinas.
“Maliban sa covid lockdown, ang nangyayari ngayon ay mas matindi pa sa mga nakalipas na crisis kasi sangkot na ang mga institusyon na dapat ay nangangalaga sa yaman ng ating bansa. Bagkos, sila pa ang nangunguna sa nakawan,” aniya.
Matatandaang ipinaliwanag ng PSE na dalawang uri ng market capitalization ang kanilang sinusubaybayan.
Una na rito ang Domestic MCAP, na tumutukoy sa mga kumpanyang Pilipino na pangunahing nakalista sa PSE. Ikalawa ang Total MCAP, na kinabibilangan din ng mga dayuhang kumpanyang may dual listing.
“Deliberately comparing apples to oranges by comparing Domestic MCAP to Total MCAP is dishonest, if not malicious, and is clearly meant to provoke investors to lose confidence in the Philippine capital market and destabilize the economy," ani PSE.
Maki-Balita: PSE, pinabulaanang nalugi ang bansa ng ₱5 trilyon a stock market
Ito ay matapos ilatag ni Guidote sa kaniyang Facebook post noong Oktubre 9 ang mga datos na nagpapatunay na umabot na umano sa ₱5 trilyon ang nawala sa market capitalization mula noong Disyembre 2024.
KAUGNAY NA BALITA: PSE market capitalization, nalagasan ng ₱5T mula noong 2024—ex-BSP official
Bahagi ito ng tugon ni Guidote sa sinabi ni Frederick Go, special assistant to the President for investment and economic affairs secretary, na binansagang “fake news” umano ang pahayag na umabot sa ₱ 1.7 trilyon ang nawala sa market value dahil sa isyu ng maanomalyang flood control sa Pilipinas.
Maki-Balita: 'Fake news!' Economic team ni PBBM, pinabulaanan ₱1.7 trilyong na-wipeout sa stock market