Ipinaliwanag ng Department of Science and Technology (DOST) na wala umanong kaugnayan sa isa’t isa ang mga naganap na lindol sa Bogo City, Cebu at Mati, Davao Oriental nitong mga nakalipas na linggo.
Ayon sa naging panayam ni DOST Sec. Renato Solidum sa True FM nitong Lunes, Oktubre 13, 2025, nilinaw niyang normal umanong nakakaranas ang bansa ng aabot sa 30 na mga lindol bawat araw.
“Kada araw, mayroon tayong at least 30 earthquakes[...] Kaya hindi po nakapagtataka na minsan nagkakaroon po ng nararamdamang mga paglindol,” pagsisimula ni Solidum.
Dagdag pa niya, “ito po ay nangyari nga in the past two weeks at ito naman po ay may sariling kilos ang bawat fault at hindi sila magkakaugnay.”
Pagpapatuloy pa ni Solidum, posible umanong maging magkaugnay ang dalawang lindol kung magkalapit ang mga fault na pinangyarihan nito.
“Natural lang po ‘yan. Ang ating babantayan, syempre, kung magkalapit ang mga fault [na] puwedeng ma-trigger o mailipit ‘yong stressed sa kabila[...]” anang secretary.
Inihalimbawa pa ni Solidum ang nagyaring magkaugnay na lindol noon sa Cotabato at Davao Del Sur sa Mindanao noong 2019.
“Nangyari ‘yan no’ng 2019 kung saan no’ng area ng lindol no’ng October 2019 sa Cotabato at Davao Del Sur na mahigit magnitude 6 na apat po ‘yon. Nagkataong magkakalapit lang ‘yong mga fault at nadadamay kapag kumilos ang isa,” pagbabahagi niya,” saad niya.
Ani Solidum, wala rin umanong kaugnayan ang nangyaring lindol sa Bogo bay fault sa Philippine trench.
“Hindi po. Itong pagkilos ng Bogo bay fault at napakalayo na nito doon sa Philippine trench. Kung saan ‘yong abduction o pagsuksok ng bloke ng karagatan sa ilalim ng Pilipinas along the Philippine trench ang dahilan so hindi po sila magkaugnay,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Magnitude 6.7 na lindol, yumanig sa Bogo City, Cebu
MAKI-BALITA: Phivolcs, ibinaba sa magnitude 7.5 ang lindol sa Davao Oriental
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga dapat isipin at gawin kung sakaling magkalindol
Mc Vincent Mirabuna/Balita