Hiniling ni Sen. Robin Padilla sa Civil Service Commission (CSC) na bigyan ng special eligibility sa civil service exam ang mga katutubo o Indigenous People (IPs).
Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, Oktubre 13, 2025, para sa panukalang 2026 budget ng CSC, inungkat ni Padilla ang nasabi niyang mungkahi, kasunod ng pagpapahintulot ng nasabing ahensya na maaari ng maging civil service eligible ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) na nakapanungkulan ng tatlong taon.
Sa hiwalay na pahayag ni CSC Chairperson Marilyn Yap, layunin ng hakbang na kilalanin ang pagsisikap ng mga kabataang lider at bigyan sila ng pagkakataong ipagpatuloy ang paglilingkod publiko lampas sa kanilang barangay.
“Ang pribilehiyong ito, na eksklusibong iginagawad sa mga halal at itinalagang opisyal ng SK, ay kumikilala sa mahalagang papel ng kabataan sa nation-building at nagpapatibay sa kanilang kontribusyon sa paglilingkod-bayan,” ani Yap.
Nilinaw ng CSC na tanging mga SK official na walang kamag-anak hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity sa kasalukuyang halal na opisyal sa kanilang lokalidad ang maaaring pagkalooban ng eligibility.
KAUGNAY NA BALITA: SK officials na naka-kumpleto ng termino, sokpa na sa civil service
Samantala, saad ni Padilla, "Iba-iba ang kultura natin. Iba yung knowledge nila, iba yung karunungan nila. They have this special knowledge, hindi natin kayang pantayan din 'yon eh. Pero, meron din silang hindi kayang pantayin sa atin."
Depensa ng CSC, kasama na sa preferntial rating system ang mga IPs kung saan maaari silang makakuha ng limang puntos sa civil service examination kung makakakuha sila ng isko na hindi baba sa 70 puntos para lamang makapasa.
Ngunit hirit ni Padilla, "Sa tingin po ninyo hindi possible 'yon? 70 na yung i-pass n'yo, para 5 na lang."
Tulong naman ng CSC, "Pag-aaralan po namin."