Sa mga liblib na baryo ng Pilipinas, nananatiling buhay ang paniniwala sa mga mangkukulam at mambabarang, mga nilalang na sinasabing may kapangyarihang magdulot ng sakit, kamalasan, o kababalaghan gamit lamang ang bulong, albularyo, o insekto.
Madalas silang inilalarawan bilang mga tahimik na taong nagkukubli sa dilim, tila karaniwang kapitbahay ngunit may lihim na koneksyon sa mundo ng kababalaghan. Sa gitna ng makabagong panahon, patuloy pa ring umaalingasaw ang mga kuwentong-bayan tungkol sa kanila, mga kuwento ng paghihiganti, takot, at misteryo, na nagsisilbing paalala sa malalim na ugnayan ng mga Pilipino sa paniniwala, hiwaga, at kapangyarihang lampas sa ating pang-unawa.
Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizen ang panawagan ng isang concerned netizen na si "Arnex" para sa mga mangkukulam at mambabarang, laban sa mga kurakot, korap, o tiwaling mga politikong sangkot sa mga korapsyon at anomalyang mainit na pinag-uusapan sa kasalukuyan.
"Ako po ay nananawagan sa lahat ng mangkukulam at mambabarang sa Pilipinas," aniya sa kaniyang Facebook reels noong Setyembre 21.
"Magkaisa po tayo, makiisa po tayo. Patunayan naman po natin na totoo tayo. Natatalo na tayo ng mga mandarambong, magnanakaw, at mga corrupt. Kilos-kilos din po," aniya.
Humamig naman ito ng milyong views at iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens, na tila sang-ayon din sa kaniyang panawagan.
"GV yung comment section. Tawang-tawa ako sa inyo. Ang daming matataba ang utak," aniya sa comment section ng viral post.
"Pero on a serious note, Ipagdasal natin ang ating bayan. Patuloy na lumaban, maki-isa at kalampagin ang gobyerno hangga’t may managot at maparusahan. Kailangan natin ng hustisya. We deserve better. God bless the Philippines," aniya pa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Arnex, isang digital creator, flight attendant, at entrepreneur, ipinaliwanag niya kung bakit naisipan niyang "manawagan" na sa mga mangkukulam at mambabarang. Aminado siyang isa rin siya sa maraming mga mamamayan at taxpayer na hindi na maatim ang kawalan ng accountability sa mga isyung kinahaharap ng bansa.
"Masakit para sa isang ordinaryong Pilipinong lumalaban ng patas sa buhay na makita ang harap-harapan at garapalang pagnanakaw sa pera ng taumbayan," aniya.
"Nakakapanlumong makita sa bawat sakunang nagdaraan ang hirap na dinaranas ng mga kababayan nating Pilipino. We deserve better!"
"We cannot stay silent or turn a blind eye. We need accountability!"
Paliwanag pa niya, "The viral video’s true intention is to capture everyone’s attention and encourage unity. It’s not just about 'mangkukulam' or 'mambabarang.' It’s about reminding everyone that the true power has always been — and will always be — in the hands of a united Filipino people."
Giit pa niya, "Napatunayan na ito noong nakaraang People Power I and II. Kaya’t huwag tayong mawalan ng pag-asa. Patuloy na mag-ingay, maki-alam at magkaisa."
Kaya ang tanong nito ngayon, may mangangahas nga kayang mangkukulam o mambabarang na mapanagot ang mga nasasangkot na kurakot?