January 04, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Ano nga ba ang nararapat na laman ng isang Kids’ Grab-and-Go Bag?

ALAMIN: Ano nga ba ang nararapat na laman ng isang Kids’ Grab-and-Go Bag?
Photo courtesy: Freepik


Sa nakakaalarmang sunod-sunod na paglindol sa iba’t ibang parte ng bansa, mahalaga na ang bawat pamilya ay may nakatabing family Go-Bag, upang masiguro ang “survival” ng bawat isa.

Ngunit liban sa Family Go-Bag, mahalaga ring magkaroon ng isang Grab-and-Go Bag para naman sa mga bata, kung saan madaling mailalagay ang pinakamahahalagang gamit na kailangan nila sa panahon ng sakuna.

1. Pagkaing hindi madaling masira

Mahalaga na mayroong pagkaing hindi madaling masira sa loob ng Grab-and-Go Bag ng isang bata upang maiwasan ang pagkagutom nito.

Kailangan ito sapagkat sa panahon ng sakuna, maaaring ang ilang bilihan ay sarado rin, kung kaya’t mas mainam na may nakahandang pagkain para sa kanila.

Mga halimbawa ay mga delatang pagkain at mga biskwit.

2. Tubig

Liban sa pagkain, napakahalaga rin ng tubig hindi lamang sa mga bata, kung hindi para sa lahat.

Siguraduhing may lamang tubig ang Grab-and-Go Bag ng isang bata upang maiwasan din ang dehydration.

Kung mahihirapang isilid sa isang bote ang tubig, maaaring gumamit ng mga “emergency water pouches” na kayang magsilid ng sapat na dami ng tubig, na hindi nakokompromiso ang espasyo ng bag.

3. Mga mahahalagang dokumento (gaya ng ID o nameplate ng bata)

Sa oras ng sakuna, hindi dapat balewalain ang posibilidad ng hindi inaasahang pagkakahiwa-hiwalay. Dulot ng takot at pagkabalisa, maaaring magkalayo-layo at mapunta sa ibang lugar ang ilan sa mga kaanak.

Kung kaya’t mahalagang siguraduhin na may hawak silang mga dokumento na magpapakita ng kanilang pagkakakilanlan.

Maaaring lagyan ang Grab-and-Go Bag ng Identification (ID) ng bata, Birth Certificate (photocopy), o kahit anong dokumentong magpapakita ng kaniyang pangalan, edad, at tirahan.

Mahalaga ring magsilid ng dokumentong magpapakita sa pagkakakilanlan ng mga magulang ng bata, tulad ng ID.

Siguraduhing may cellphone o telephone number ang nasabing ID upang madaling makontak ang mga magulang nito.

4. Pamalit na mga damit

Sa oras ng sakuna, importanteng magkaroon ang mga bata ng mga pamalit na damit, shorts, underwear, at maging mga pares ng medyas. Ito ay upang masiguro na sila ay may pamalit, kung sakali man ang pamilya ay dalhin sa evacuation center o ibang ligtas na lugar.

Siguraduhin lamang na sapat ang bilang ng mga damit na naitabi kung sakaling aabutin ng ilang araw ang relokasyon ng pamilya.

Diskartehan na lamang sa pagtutupi sa loob ng bag ang mga damit, upang masigurong may mga gamit pang mailalagay liban sa mga ito.

5. Flashlight

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na isa sa mga madalas na inilalagay sa mga emergency kits o bags ay ang flashlight, na magagamit tuwing gabi, o kaya naman ay bumaba o mawala ang suplay ng kuryente.

Makatutulong ito upang masigurong ligtas ang paligid sa oras ng gabi, o kaya naman ay madaling mahanap ang isang tao o bagay na kailangan sa oras na iyon.

Mas mainam na magbaon din ng ilang baterya upang magamit ang flashlight sa mas mahabang panahon.

6. Gadgets at power banks

Sa oras ng sakuna, napakaimportante na hindi maputol ang koneksyon at komunikasyon ng isang tao sa kaniyang pamilya, lalo na kung siya ay bata pa.

Mahalaga ito upang makumusta ang pamilya sa malayong lugar, makahingi ng tulong sa kinauukulan, o kaya naman ay maglibang upang mabawasan ang pag-aalala.

Para sa mga bata, siguraduhing mayroong downloaded games ang gadget, o kaya naman ay videos ng paborito nilang cartoons upang mabawasan ang kanilang stress.

7. Hygiene Kit

Kung sakaling magkasakuna, mahalaga pa ring hindi mapabayaan ng mga bata ang kanilang kalusugan. Kung mapupunta man sa ibang lugar, huwag kalimutang lagyan ng hygiene kit ang Grab-and-Go Bag ng isang bata, upang mapanatili niyang malinis ang kaniyang katawan.

Maglagay ng toothbrush at toothpaste, shampoo, sabon, alcohol, at hand sanitizer. Magdala rin ng malinis na wash cloth o towel na kailangan sa kanilang pagligo.

8. Pito (Whistle)

Importante para sa mga bata ang pagdadala ng emergency whistles kung sakaling sila ay maligaw, o kaya naman ay nasa panganib.

Ngunit bago ito isilid sa kanilang Grab-and-Go Bag, tiyaking alam nila ang tunay na gamit nito, at ipaliwanag na ito ay hindi puwedeng paglaruan.

Mas mainam na itali ito sa labas ng bag, upang mas madaling magamit kung agad-agad na kailanganin.

9. Paboritong laruan

Hindi madali para sa mga bata na unawain at intindihin ang maaaring maging epekto ng mga sakuna, ngunit kung sakaling ito ay maranasan nila, siguraduhing may kaalaman ka kung paano sila matutulungan sa gitna ng ganitong sitwasyon.

Maglaan ng espasyo para sa paglalagay ng paborito nilang laruan tulad ng stuffed toy, dice, o iba pang nilalaro ng isang bata upang mabawasan ang kanilang isipin at kahit papaano ay panandalian nilang makalimutan ang pangyayari.

Siguraduhin lamang na hindi ito malaking-malaki, at gawan ng paraan kung paano ito mailalagay kasama na ang ilan pang mahahalagang gamit.

Ang ilang mga gamit tulad ng kumot, sleeping bag, at iba pa, ay maaari nang ilagay sa Family Go-Bag.

Tiyakin ding magaan ang Grab-and-Go Bag ng bata upang ito ay madali niyang madala.

Mahalaga na handa ang mga bata sa posibleng banta ng mga sakuna, kung kaya’t siguraduhing laging nakahanda ang kanilang Grab-and-Go Bag.

Vincent Gutierrez/BALITA

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?