December 12, 2025

Home BALITA

VP Sara, 'ipagpapasa-Diyos' na lang mga gagawin ni Ombudsman Remulla

VP Sara, 'ipagpapasa-Diyos' na lang mga gagawin ni Ombudsman Remulla
Photo courtesy: Balita file photo


Ipagpapasa-diyos na lang umano ni Vice President Sara Duterte si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla at ang mga gagawin nito habang nakaposisyon.

Inilahad ni VP Sara sa isang panayam noong Sabado, Oktubre 11, ang kaniyang mga komento hinggil sa tinuran ni Remulla na pag-iimbestiga sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) issues sa bansa, noong ito ay nanumpa bilang bagong Ombudsman kamakailan.

KAUGNAY NA BALITA: Remulla, nanumpa na bilang bagong Ombudsman; nilinaw na hindi lang SALN ni VP Sara iimbestigahan-Balita

'Wag na niya silipin, 'wag na niya silipin. Ilagay na niya sa harap niya at pag-aralan na niya nang maayos, kung ano man 'yong gusto niyang gawin. Ipagpasa-diyos na lang natin siya at ang kaniyang mga gagawin bilang Ombudsman,” ani VP Sara.

Tahasan ding sinagot ng Bise Presidente kung pabor ba siyang si Remulla ang bagong Ombudsman.

‎“‎Kung ako Presidente, hindi siya ang ia-appoint ko na Ombudsman,” aniya.

Matatandaang nanindigan si Remulla na dapat ay isapubliko ang SALN, ngunit mayroon pa rin umanong guidelines na dapat sundin.

“Dapat lang! Pero mayro’n tayong Data Privacy Law, mayro’n tayong pag-iingatan. Wala tayong karapatang ma-ta-trample upon. Kaya maglalagay tayo ng guidelines sa pagre-release ng SALN,” saad ni Remulla.

MAKI-BALITA: Remulla sa pagsasapubliko ng SALN: 'Dapat lang!'-Balita

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Remulla hinggil sa mga sinabi ni VP Sara.

‎Vincent Gutierrez/BALITA