Umabot na sa walo ang mga naitalang namatay dahil sa pagyanig ng “twin earthquakes” sa Davao Oriental kamakailan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo, Oktubre 12.
Ang nadagdag na kaso sa naunang pito ay mula raw sa Mati City.
Gayunpaman, ayon kay Office Civil Defense (OCD) Asst. Sec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, patuloy pa ring nasa ilalim ng beripikasyon ang bilang ng mga namatay.
“These reports are still subject to validation and verification but these are the numbers we have at the moment. There are no reported missing persons,” aniya.
Samantala, 395 naman ang naitalang mga nasugatan.
KAUGNAY NA BALITA: 7 katao namatay sa pagyanig ng dalawang lindol sa Davao Oriental – NDRRMC
Ibinahagi ng NDRRMC na sa kasalukuyan, 125,283 na pamilya o 491,258 indibidwal sa rehiyon ng Davao at Caraga ang apektado ng dalawang lindol.
8,400 indibidwal sa bilang na ito ang pansamantalang naninirahan sa 14 evacuation centers habang mahigit-kumulang 200 pa ang nasa mga kalsada dala ng pangamba sa aftershocks.
Ayon pa sa NDRRMC, 1,857 na kabahayan ang naitalang “partially damaged” habang 298 ang tuluyang nasira.
Bilang tugon, binanggit ni Alejandro na nakikipagtulungan na ang pamahalaan sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para masuri ang pangangailan sa pabahay ng mga nabiktima ng lindol.
“For totally damaged houses, we are looking into possible transition shelters. For partially damaged ones, the government will provide repair kits or housing assistance after technical assessment,” saad niya.
Ayon naman sa assessment na isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), umabot na sa ₱100,258,000 ang naitalang halaga ng danyos sa mga imprastruktura sa probinsya.
Para mas matulungan ang mga nabiktima ng mga paglindol, patuloy na nagsasagawa ng relief operations ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa probinsya.
Matatandaang niyanig ng magnitude 7.4 ang Davao Oriental, umaga ng Biyernes, Oktubre 10, at magnitude 6.8 naman noong gabi, na tinaguriang “doublet” o twin earthquakes.
Sean Antonio/BALITA