Ibinunyag ng Surigao del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na sa ngayon ay wala pa umanong naitatalang damages kaugnay sa pagyanig ng magnitude 6.0 na lindol sa probinsya noong Sabado, Oktubre 11.
Masayang ibinahagi ni Surigao del Sur PDRRMO Head Alex Arana sa isang panayam sa Super Radyo DZBB nitong Linggo, Oktubre 12, na wala pa umanong damages ang naire-report sa probinsya.
"So far po, ito lang po, masaya po kami kasi po at least, sa awa ng Diyos, e wala naman pong mga damages na nai-report po sa amin. Pagdating naman po sa isyu ng mga lumikas, dahil po kami ay active po kami sa preparedness, lagi po kami nagpapaco-conduct ng earthquake drills. So ang nangyari po, usually, dapat may tsunami warning muna para mag-evacuate o mag-conduct ng force operation,” ani Arana.
“Pero dahil po sa mga drills na ginagawa namin, nagvoluntary evacuation po iyong mga tao at na-monitor po namin kagabi doon sa Cagwait area, nagkaroon po sila ng evacuation, at dito po sa Tandag, lalo po 'yong malapit po sa mga coastline na mga communities, nag-evacuate po sil. Pero sandali lang po 'yong nangyari dahil po walang tsunami warning 'yong Phivolcs na pinalabas, so nagsiuwian din po sila,” dagdag pa niya.
Isiniwalat niya ring naapektuhan din ang Butuan City ngunit sila ay wala pa umanong data hinggil dito sapagkat ito ay malayo sa kanilang lugar.
Nilinaw niya ring activated pa ang emergency operations ng kanilang opisina upang makapagsumite ng report sa Office of Civil Defense - CARAGA, na siyang protocol nila para sa Disaster Risk Reduction (DRR).
“Kaya nga po ngayon, activated pa po ang emergency operations sir, kasi tumatanggap po kami ng mga reports based po doon sa rapid damage and needs analysis po ng mga LGUs kasi po kailangan po na mag-submit po sila for consolidation kasi po nirerequire kami ng aming Office of Civil Defense (OCD) - CARAGA upang ma-submit din po sa national kasi iyon po ang protocol namin sa DRR,” aniya.
Nagsagawa rin umano sila ng augmentation support matapos ilikas ang ilang mga pasyente sa mga wards na nasa matataas na gusali.
Matatandaang mula sa inisyal na lakas nitong aabot sa magnitude 6.2, ibinaba ng Phivolcs ang naturang lindol sa magnitude 6.0 noong Sabado, Oktubre 11, dakong 11:09 ng gabi.
MAKI-BALITA: Phivolcs, ibinaba sa magnitude 6.0 ang naganap na lindol sa Surigao del Sur-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA