Nanindigan si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na kayang-kaya ng ahensya na tulungan ang mga apektadong residente ng mga kabi-kabilang lindol na naganap sa bansa kamakailan.
Ibinahagi ni Sec. Rex Gatchalian sa isang panayam nitong Linggo, Oktubre 12, na kaya ng DSWD na magpadala ng tulong sapagkat nakapaghanda na umano sila bago pa man dumating ang mga sakuna.
“Marami rin kaming nakukuhang tanong, kung kaya pa ng DSWD dahil sabay-sabay na nangyayari...Kayang-kaya, because ang ating Pangulo, all year-long ang preparation natin. Hindi naman 'pag nagkakaroon lang ng disaster. For 365 days a year literally, nagrerepack tayo ng goods. And before this incident happened, we're at close around 2.5 million family food packs nationwide,” aniya.
“So kahit na may respondent tayo sa Cebu, may respondent tayo sa Masbate, Romblon, Mindoro, kayang-kaya ng mga regional offices natin to cope. And as we speak, nagrerepack pa rin tayo ngayon. Our repacking centers in Cebu and in Manila can produce close to 50,000 a day, so madaling-madali sa atin to meet the requirements,” dagdag pa niya.
Inilahad niya ring maaari na magsimula ang emergency cash transfer na aniya, sinasabi ng Pangulo na importante upang maitayo ulit ng mga apektadong residente ang kanilang mga tahanan.
”Nag-usap na rin kami ni Gov, na para maka-rebuilt agad ng mga tao, hinihintay na lang namin 'yong list ng mga totally at partially damaged. Puwede na rin tayo magsimula kaagad ng emergency cash transfer,” aniya.
”Sinasabi ng Pangulo lagi, importante na ma-restore 'yong normal na pamumuhay ng mga mamamayan natin, and importante 'yong financial assistance na magsimula agad, para maka-rebuilt sila lalong-lalo na 'yong mga may partially damaged na mga tahanan lamang, 'yong kaunting kumpuni lang, e makakabalik sila kaagad,” dagdag pa niya.
Saad pa niya, “Alam natin na bagama't ginagawa ng Red Cross at DSWD na gawing mas komportable pa 'yong mga tent cities o evacuation centers natin, iba pa rin 'yong nakakauwi sila sa kanilang mga tahanan.”
Sinagot din ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon kung paano pananatilihin ang sapat na suplay ng “potable” water para sa mga apektadong mamamayan ng mga nagdaang lindol.
“Unang-una, DSWD magpapadala talaga 'yan ng mga mobile water trucks, para sa mga, for immediate provision of water. Alam ko magpapadala rin ang MMDA, kamukha noong mga inutos ng Pangulo in the previous disasters ng mga water-purifying systems,” ani Sec. Dizon.
“But kanina, pinasa ko 'yong telepono kay Mayor, kausap niya si [Local Water Utilities Administration] LWUA Administrator Joy Salonga, at inutusan na ni Admin Joy 'yong water district to immediately assess and repair 'yong mga gumalaw na mga water pipes, which is causing the intermittent supply, so ginagawa na rin ngayon right now,” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagpadala ng halos 2000 Family Food Packs (FFPs) ang DSWD sa mga apektadong residente ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30.
KAUGNAY NA BALITA: DSWD, naghatid ng aabot sa 2000 FFPs para sa naapektuhan ng lindol sa Cebu-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA