Magkakahiwalay at walang kaugnayan sa isa’t isa ang mga lindol na naramdaman nitong mga nakaraang araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa panayam ng media kay Phivolcs senior science research specialist Johnlery Deximo nitong Linggo, Oktubre 12, 2025, iginiit niyang may kaniya-kaniyang fault system ang mga aktibong fault line sa bansa.
“Walang koneksyon sa isa’t isa, may kanya-kanya silang fault system,” ani Deximo.
Tahasan din niyang pinabulaanan ang mga kumakalat sa social media hinggil sa pagkakaroon umano ng koneksyon ng bawat lindol sa bansa na magdudulot ng iisang pinakamalakas na lindol.
“Aktibo po na gumagalaw yung ating trenches particularly sa Philippine Trench. Pero, yung mga kumakalat po na magkakaroon ng isang malawakang o malakas na mga pagyanig, nagpapalabas ng mga prediction na magkakaroon ng magnitude 8 or 9 earthquake ay wala pong katotohanan,” saad ni Deximo.
Saad pa niya, “Ang Pilipinas ay seismically active na bansa, so ini-expect po natin na marami po talagang pag-lindol ang posibleng mangyari po. Hindi lang natin alam o matukoy kung kailan at saan tatama yung isang malakas na lindol.”
Matatandaang nitong mga nakaraang linggo lamang ng yanigin ng magkakasunod ng lindol ang iba’t ibang parte ng bansa mula Luzon hanggang Mindanao.
Noong Setyembre 30, nang bulagain ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu kung saan tinatayang nasa 74 ang naiulat na nasawi.
asundan naman ito ng lindol sa La Union noong Oktubre 9 kung saan nakapagtala ang Phivolcs ng magnitude 4.4. Isang araw lang ang lumipas ng yanigin naman ng magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental noong umaga ng Oktubre 10 at nasundan pa ito ng magnitude 6.8 bandang 7:13 ng gabi. Magnitude 5.0 naman ang naitalang pagyanig sa Zambales noong Oktubre 11.
KAUGNAY NA BALITA: Cabangan, Zambales, niyanig ng magnitude 5.0 na lindol
KAUGNAY NA BALITA: Aftershocks sa Cebu, umabot na sa higit 5,000
KAUGNAY NA BALITA: Phivolcs, ibinaba pa sa magnitude 7.4 ang nangyaring lindol sa Davao Oriental
Habang nitong Sabado lamang, Oktubre 12, nang yanigin ng magnitude 6.2 na lindol sa Surigao del Sur.
KAUGNAY NA BALITA: Lindol ulit! Surigao del Sur, niyanig ng magnitude 6.2 na lindol