Pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Tago sa Surigao del Sur ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas ng paaralan dahil sa patuloy na aftershocks at ongoing safety assessments.
Sa ibinabang abiso ni Tago Municipal Mayor Jelio Val C. Laurente nitong Linggo, Oktubre 12, nakasaad doon na suspendido ang lahat ng klase—pampubliko o pampribado man—hanggang Lunes, Oktubre 13.
Ngunit bukas pa rin at patuloy ang operasyon ng mga tanggapan ng gobyerno at maging ang mga pribadong negosyo maliban na lang kung magbaba ng panibagong abiso.
Samantala, hinimok naman ang mga school head na makipag-ugnayan sa Municipal Engineering Office at sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Ito ay upang tiyakin pagsasagawa ng tamang structural inspections at safety assessments sa mga pasilidad ng paaralan bago bumalik ang klase.
Matatandaang nauna nang suspindehin ang klase at trabaho sa Tago noong Oktubre 10 matapos tumama sa parehong petsa ang magnitude 6.0 sa lalawigan ng Surigao del Sur.