December 13, 2025

Home BALITA

MPD, nagbabala sa mga kumakalat na 'fake rallies' sa social media

MPD, nagbabala sa mga kumakalat na 'fake rallies' sa social media
Photo courtesy: Contributed photo

Nagbabala ang Manila Police District (MPD) sa publiko laban sa pagkalat ng maling impormasyon sa social media, partikular ang mga video at post na nagsasabing may nakatakdang kilos-protesta sa ilang bahagi ng lungsod.

“These misleading posts have no basis and are only intended to stir unnecessary panic,” anang pahayag ng MPD batay sa ulat ng Manila Bulletin nitong Linggo, Oktubre 12, 2025.

Nilinaw ng mga awtoridad na karamihan sa mga naturang video ay luma, inedit, o ganap na peke. Anila, nakalilinlang ang mga ito at ginagamit upang magdulot ng takot o kalituhan sa publiko.

Hinimok naman ng MPD ang mga gumagamit ng social media na huwag maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon at iwasang ibahagi ang mga mapanlinlang na materyal.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

 “We remind everyone to get information only from official sources and avoid spreading unverified claims,” saad ng MPD.

Nanawagan din ang pulisya sa publiko na tumulong sa pagpigil ng pagpapakalat ng disimpormasyon sa pamamagitan ng pagre-report ng mga naturang post direkta sa mga social media platform.

Ayon sa mga opisyal, anumang lehitimong rally o pampublikong pagtitipon ay kailangang dumaan sa tamang koordinasyon sa mga lokal na awtoridad. Wala umanong nakumpirmang aktibidad na tumutugma sa mga kumakalat na ulat online.

Pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na manatiling maingat, kumuha ng impormasyon mula sa opisyal na mga ahensya ng pamahalaan, at gamitin ang “report” button sa social media kapag nakakita ng kahina-hinalang nilalaman.

Matatandaang nagkalat sa social media ang iba’t ibang larawan at sliced video mula sa malawakang rally na ikinasa noong Setyembre 21, kung saan talamak itong ginagamit ng ilang social media page at vloggers na nagsasabing kasalukuyan umanong nagkakaroon ng demonstrasyon sa Maynila mula sa iba't ibang mga araw.