Hindi nagpigil ang beteranang aktres na si Dina Bonnevie sa pagbibitiw ng matatalas na pahayag hinggil sa mga tinatawag na “nepo babies” o mga anak ng mga nasasangkot sa anomalya at katiwalian sa pamahalaan.
Sa isang panayam kamakailan, na kumakalat naman sa social media at patuloy na pinag-uusapan, tinanong si Dina tungkol sa kaniyang opinyon sa mga nepo babies, at agad niyang sinabayan ng maanghang na banat ang sagot.
“You want to covet what is not yours. Which is a sin. Thou shall not covet thy neighbor’s goods! So ‘yong mga nepo babies, nag-covet nang hindi kanila, kasi nakaw ‘yong pinangdi-display na mga Dior-Dior nila!”
Hindi rin napigilan ni Dina ang magbitaw ng birong may halong taray.
“Diyos ko, minsan nga lumalabas ang katarayan ko. Parang sa loob-loob ko, ‘Diyos ko, makapag-flex ang nepo baby na ito, maganda ka ba? Hahahahaha!’”
Dagdag pa ng award-winning actress, hindi raw sapat ang pagpaparetoke kung wala naman daw natural na ganda o karisma.
“Eh kahit retokehin ka nang limang beses, hindi ka pa rin maganda, eh! Parang, my God, sino ba ang doktor mo? Magpa-doktor ka muna bago ka mag-flex!”
Agad namang umani ng reaksiyon online ang mga pahayag ni Dina, na kilala sa kanyang no-filter attitude at pagiging prangka sa mga isyung kinahaharap ng industriya.
Habang may mga netizens na natawa at sumang-ayon sa kanyang mga banat, mayroon ding ilan na nagsabing tila “masyado raw matindi” ang mga pahayag ng aktres.
Matatandaang nagkaroon ng panibagong konteksto ang "nepo babies" dahil sa pag-flex ng ilang mga kaanak ng mga nasasangkot na politiko sa maanomalyang flood control projects, sa kanilang lavish lifestyle.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'