"You cannot have peace without freedom, and you cannot have freedom without strength,” ito ang puso sa likod ng adbokasiya ni Maria Corina Machado para maibalik ang demokrasya sa kaniyang bansa.
Si Machado ang ginawaran ng Nobel Peace Prize sa taong 2025 para sa kaniyang adbokasiyang maibawi ang demokrasya ng Venezuela mula sa diktadurya, sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan.
“...for her tireless work promoting democratic rights for the people of Venezuela and for her struggle to achieve a just and peaceful transition from dictatorship to democracy,” ayon sa opisyal na anunsyo ng Norwegian Nobel Committee sa motibasyon sa likod ng paggawad ng parangal kay Machado.
Sa pamamagitan ng isang tawag ilang oras bago isapubliko ang kaniyang parangal, opisyal na ipinabatid ni Kristian Berg Harpviken, ang Direktor ng Norwegian Nobel Institute, kay Machado ang kaniyang Nobel Prize, noong Biyernes, Oktubre 10.
“This is a movement, this is an achievement of a whole society. I am just one person, I certainly do not deserve it,” madamdaming saad ni Machado nang matanggap ang balita.
Binanggit din niya na patuloy niyang pangungunahan ang laban ng kaniyang kababayan laban sa mga katiwalian at panunupig sa kanilang bansa.
“I’m honored, humbled, and very grateful on behalf of the Venezuelan people. We’re not there yet, we’re working very hard to achieve it, but I’m sure that we will prevail, and this is certainly the biggest recognition to our people that certainly deserve it,” pagkilala niya sa parangal.
Dahil sa mataas na pagkilalang iginawad sa kaniya, mas kilalanin si Machado bilang “Iron Lady” ng Venezuela at ang alab sa likod ng kaniyang adbokasiya.
Si Maria Corina Machado Parisca ay ipinanganak sa Caracas, Venezuela noong Oktubre 7, 1967.
Siya ang panganay sa apat na magkakapatid, at nakapagtapos ng Industrial Engineering sa Universidad Católica Andrés Bello (UCAB), na kilala bilang isa sa mga pinakamahigpit na pamantasan sa Venezuela.
Nakuha naman niya ang kaniyang Master’s Degree sa Finance sa Instituto de Estudios Superiores de Administración (IESA), na pinakakinikilalang graduate business school sa kanilang bansa.
Taong 2002, pumasok ng politiko si Machado, at naging co-founder ng Sumate, na isang volunteer civil association, na nagtuturo sa mga mamamayan na magsagawa ng beripikasyon sa listahan ng mga botante, pagbabantay ng ballot boxes, at manawagan ng pananagutan gamit ang teknolohiya.
Sa Sumate, pinangunahan ni Machado ang referendum laban sa dati nilang pangulo na si Hugo Chavez noong 2004, na naging dahilan para maakusahan siya ng pagtataksil sa gobyerno at pakikipagsabwatan.
Nilabanan ni Machado ang mga paratang at tumindig na ang panawagan sa patas na eleksyon ay hindi pagtataksil kung hindi karapatan bilang isang mamamayan.
Taong 2010, nanalo siya ng posisyon sa National Assembly, kung saan, ang kaniyang pamumuno ay tinawag na “unorthodox” o hindi pangkaraniwan dahil sa malinaw niyang mga paguulat.
Taong 2013, nang magsimulang maupo ang kasalukuyang Pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro, nanatiling nanindigan si Machado sa kaniyang oposisyon.
Taong 2023, nanalo si Machado sa presidential primary ng oposisyon, na nagbukas ng oportunidad para labanan niya sa eleksyon, taong 2024, si Maduro.
Gayunpaman, ang Supreme Justice Tribunal ng Venezuela ay nagtaas ng ban para ipagbawal ang pagupo ni Machado sa kanilang pamahalaan.
Dahil dito, pinalitan ni Edmundo Gonzalez Urrutia si Machado sa pagtakbo bilang pangulo laban kay Maduro.
Hindi alintana ang ban ng kanilang korte suprema, si Machado ay maiging nangampanya at nagpakita ng suporta kay Urrutia.
Sa kabila ng “landslide win” ni Urrutia sa kanilang polling stations, nanalo sa kaniyang ikatlong six-year term si Maduro, na nag-udyok sa publiko na magsagawa ng kilos-protesta sa iba’t ibang parte ng kanilang bansa.
Ayon sa mga ulat, mula nang matapos ang kanilang eleksyon noong Hulyo 2024 hanggang kasalukuyan ng 2025, si Machado ay naka-isolate sa Venezuela, dahil sa panganib sa kaniyang buhay, dala ng mga pagbabanta umano ni Maduro at mga taga-suporta nito.
Si Urrutia naman, ay pinaniniwalaang ipapatapon sa Espanya, habang sa ilang ulat ay sinasabing siya ay nagpapalipat-lipat sa mga bansa sa Latin Amerika.
Sa kabila nito, noong Agosto 2024, pansamantala siyang lumabas at sumama sa kilos-protesta sa Caracas bilang pagtindig laban sa naging resulta ng eleksyon.
Sa taon ding ito, ginawaran ng Sakharov Prize for Freedom of Thought ng European Union si Machado at Urrutia dahil sa kanilang laban para maibalik ang kalayaan at demokrasya sa Venezuela.
Noong Enero naman ng 2025, muli siyang lumabas at nagpakita para sumama sa kilos-protesta noong inagurasyon ni Maduro, kung saan, siya’y pansamantalang ikinulong.
Mayo ng 2025, idineklara ni Machado ang kanilang pagkapanalo sa parliamentary elections ng kanilang bansa, hindi alintana ang opisyal na deklarasyon na koalisyon ni Maduro ang nanalo.
Sa paggawad ng Nobel Prize kay Machado, bukod sa pagkilala sa kaniyang mga sakripisyo at determinasyon, layon din ng parangal na matulungan siyang mas ipaglaban ang kalayaan ng bansa.
Ipinahayag din ng Nobel Committee na ang parangal na ito ay kinikilala ang katapangan ng mga indibidwal na lumalaban ng patas sa mga katiwalian.
“At a moment when authoritarianism is on the rise across the world, this award highlights the courage of those who defend freedom with ballots, not bullets,” saad ni Jorgen Watne Frydnes, isang Norwegian human rights advocate at Chair ng Norwegian Nobel Committee.
Sean Antonio/BALITA