Muling nagbahagi sa kaniyang social media, nagbigay ng pag-asa at inspirasyon ang Queen of All Media na si Kris Aquino sa kaniyang mga tagasuporta sa pamamagitan ng pagbibigay-updates sa lagay ng kalusugan at sa patuloy niyang laban para sa kaniyang mga anak.
Sa kaniyang post, ibinahagi ni Kris na bagama't mahirap sa kaniya ang walong linggong nagdaan, kinakaya at nakaka-survive siya sa gamutan dahil sa mga anak na sina Josh at Bimmby.
“It’s been a very tough 8 weeks but somehow I SURVIVED. This video is about my 2 boys. And why I’m fighting for them," ani Kris.
Ayon kay Kris, sa kabila ng mga pagsubok at patuloy na gamutan, nananatiling malakas ang kaniyang loob dahil sa inspirasyon na dulot ng kaniyang mga anak, ang kaniyang panganay na si Josh at ng kaniyang bunsong si Bimby, na sila raw ang “rason kung bakit siya patuloy na lumalaban.”
Sey ni Kris, nagpasyang ipagpatuloy ni Bimby ang singing lessons niya sa sa ilalim ng kilalang vocal coach na si Thor Dulay.
Bukod dito, ilang “superstar titos” umano ang boluntaryong nagtuturo kay Bimby kung paano magpakitang-gilas sa entablado at kung paano magkaroon ng masayang ugnayan sa audience.
Dagdag pa ni Kris, mula pa noong 11 taong gulang si Bimby ay lagi na itong kasama niya sa tuwing isinasailalim siya sa mga medical procedures, patunay ng matinding pagmamahalan nilang mag-ina. Sa kaniyang post, tinawag pa niya ang anak na “singing doctor,” sabay pasasalamat:
“Thank you, hunny, for being the embodiment of what mama had wished for.”
May pahabol pa siyang sinabi na may sorpresa sa isa sa mga larawan na isang video, na agad namang ikinatuwa ng kanyang mga fans.
Patuloy na umaani ng positibong reaksiyon ang post ni Kris, lalo’t marami ang humahanga sa kaniyang lakas ng loob at determinasyong mabuhay para sa kanyang pamilya.
Matatandaang nakararanas si Kris ng multiple autoimmune disease na naging dahilan para pansamantala siyang tumigil sa showbiz.
Pero ang good news, mukhang tuluyan na ring papasukin ni Bimby ang showbiz sa tulong nga ng mga kaibigan niya sa industriya.