Umabot na sa ₱2.2 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga gusali ng paaralan na dulot ng magnitude 7.4 na lindol na tumama sa Davao Oriental noong Biyernes, Oktubre 10, 2025, ayon sa Department of Education (DepEd).
KAUGNAY NA BALITA: Phivolcs, ibinaba pa sa magnitude 7.4 ang nangyaring lindol sa Davao Oriental
Ayon sa ahensya, nasira ang 575 paaralan at 36 na trial court sa rehiyon ng Davao matapos ang lindol na naganap alas-9:43 ng umaga.
Sinuspinde ang klase sa 1,006 paaralan na nakaapekto sa humigit-kumulang 101,648 mag-aaral at 9,585 guro, batay sa ulat ng DepEd.
Samantala, inanunsyo rin ng DepEd na ipatutupad ang mga alternative learningl upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon habang nagpapatuloy ang pagsusuri ng mga disaster risk reduction and management team.
Ayon pa sa DepEd, hanggang 139 estudyante at 50 guro ang naiulat na nasugatan sa lindol.
Paliwanag ng DepEd, nagsasagawa ng mabilisang pagsusuri sa mga istruktura ng paaralan ang kanilang mga Disaster Risk Reduction (DRR) coordinator at mga engineer.
Patuloy rin daw nilang binabantayan ang mga ulat mula sa mga rehiyon at pinaalalahanan ang mga paaralan na manatiling alerto, sumunod sa mga safety protocol, at panatilihin ang kahandaan sa lindol habang nagpapatuloy ang mga aftershock.
Sa kabila ng lawak ng pinsala, ilang guro sa mga apektadong lugar ang nakapagpatuloy na ng klase sa mga pansamantalang learning space at community hall, bilang patunay umano na nagpapatuloy ang edukayson kahit bumagsak ang mga silid-aralan.