January 04, 2026

Home BALITA Internasyonal

Cardinal Tagle, pormal nang tinanggap ang Titular Diocese sa Albano, Italy

Cardinal Tagle, pormal nang tinanggap ang Titular Diocese sa Albano, Italy
Photo courtesy: Pontificio Collegio Filippino/FB

Pormal nang tinanggap ng Pilipinong si Cardinal Luis Antonio Cardinal Tagle ang kaniyang posisyon bilang Titular Diocese ng Albano sa Italy na nagmarka ng isang mahalagang yugto sa kaniyang tungkulin bilang Cardinal Bishop sa College of Cardinals, na isinagawa noong Sabado, Oktubre 11. 

Batay sa Facebook post ng Pontificio Collegio Filippino, itinalaga si Cardinal Tagle sa suburbicarian diocese ng Albano, isa sa pitong makasaysayang diyosesis na nakapaligid sa Roma.

Tradisyunal na itinatatalaga sa mga pinakamataas na antas ng mga kardinal ang pamagat ng mga diyosesis na ito. Bagama’t hawak ni Cardinal Tagle ang titulong ito, nananatiling may sariling pamunuan ang naturang diyosesis.

Dinaluhan ng mga lokal na pari at mananampalataya ng Albano ang seremonya, sa pangunguna ng Diocesan Bishop na si Most Reverend Vincenzo Viva.

Internasyonal

‘Be mindful!’ PH Embassy, nagbaba ng abiso para sa kaligtasan ng mga Pinoy sa Venezuela

Kasama ni Cardinal Tagle ang isang malaking grupo ng mga Pilipino, na nagpatunay sa patuloy niyang ugnayan sa Filipino diaspora community sa Roma.

Dumalo rin ang kaniyang mga kamag-anak, kaibigan, mga residente ng Pontificio Collegio Filippino, at iba pang mga Pilipinong nasa loob ng Diyosesis ng Albano. Dalawang kardinal, tatlong obispo, at mahigit sandaang pari ang nakisama sa misa.

Matapos ang misa, isang payak na salo-salo ang ginanap kung saan sumali si Cardinal Tagle sa Collegio Filippino choir sa pagkanta ng ilang awitin, na nagbigay ng mainit at masayang pagtatapos sa okasyon.

Si Cardinal Tagle ay unang itinaas sa ranggong Cardinal Bishop ni Pope Francis noong 2020. Dahil kulang noon ang suburbicarian dioceses para italaga sa mga bagong kardinal, pinayagan si Cardinal Tagle na panatilihin ang kaniyang dating titular parish, ang San Felice da Cantalice a Centocelle, habang tinatanganan ang bagong ranggo.

Sa kaniyang bagong tungkulin, patuloy na itinataguyod ni Cardinal Tagle ang presensya ng Simbahang Pilipino sa puso ng Roma, pinagtitibay ang ugnayan ng pananampalataya, kasaysayan, at paglilingkod sa loob ng Simbahang Katolika.

Isa si Tagle sa mga pinagpilian bilang susunod na Santo Papa, subalit ang hinirang batay sa conclave ay si Pope Leo XIV.