Usap-usapan sa social media ang naging umano'y tugon ni dating Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Tulfo-Teo sa panawagan ng tulong ng mga taga-Manay, Davao Oriental matapos ang pagyanig ng magnitude 7.4 na lindol noong Biyernes, Oktubre 10.
Mababasa sa Facebook post ni Tulfo-Teo ang tugon niya sa mga taga-Manay na tila naghahanap umano ng tulong mula sa kanila.
"To the people of Manay in response to your call for our help! Ang mga Tulfo siblings ay lagging tumutulong sa inyo maski walang sakuna. Medical assistance from our own pocket. Nabigyan kayo ng malaking SLP, AICs, Tupad sa tulong ni Sen Erwin kaya na prioritize kayo ng Dswd and DOLE ang assistance sa Davao Oriental. Nag donate kami ng ilang hectares na lupa kung saan na naka tayo ngayon ang hospital ninyo! Hindi pa ba ito sapat na tulong?" mababasa sa post.
Mababasa pa, "My mom is from Manay and my Dad is from Ilocos. But we always prioritize davao oriental. We never grew up in Manay its our relatives who stayed there. Erwin is in Geneva for a conference. We have been communicationg on the situation in Manay . He has plans on what help he will be giving. I have been in contact with Gov Nelson. CAN WE NOT WAIT!!!"
Photo courtesy: Screenshot from Wanda Tulfo Teo/FB
As of 9:57 ng gabi ng Linggo, Oktubre 12, hindi na makikita ang nabanggit na kontrobersiyal na post sa kaniyang Facebook account, subalit nakapag-screenshot na ang mga netizen at kumalat na ito sa social media, na talaga namang pinag-usapan.
Kapansin-pansin ding ang huling post na makikita sa kaniyang Facebook account ay noon pang Enero 23, matapos niyang magpalit ng cover photo.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Nahiya naman ang mga taga Manay kay Wanda Tulfo Teo..."
"Ay sorry naman po hahahaha."
"Grabe naman makapagsalita si Madam..."
"Disasters brought by natural phenomena like earthquakes and typhoons reveal a lot of things..."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Tulfo-Teo tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.