January 04, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Masarap ba ang chupa-chupa?

#BalitaExclusives: Masarap ba ang chupa-chupa?
Photo courtesy: Mark Sultan Gersava (FB)

Lingid sa kaalaman ng karamihan, talaga palang malinamnam ang "chupa-chupa."

Huwag munang mag-react, hindi iyan isang paraan ng foreplay o sexual activity, kundi pangalan ng isang prutas at produktong pagkain mula sa Mindanao, na handog ng mga Department of Agriculture (DA)-accredited farmer groups at cooperatives.

Ang nabanggit na prutas ay mula sa Bukidnon, na kahawig ang lasa sa mangga, o kaya naman sa melon, na puwede ring sa papaya.

Sa halagang 200 piso raw ay makaka-chupa-chupa na ang sinumang nagnanais na lumantak nito.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

Mabibili iyan, bukod pa sa iba pang uri ng prutas, sa Mindanao Fruits and Food Festival 2025 sa Kartilya ng Katipunan sa Manila City Hall grounds na nagsimula na noong Oktubre 10, at magtatapos sa Oktubre 17.

Bukod sa Chupa-chupa, may iba pang mga prutas na mula sa Mindanao kagaya ng durian, marang, mangosteen, at iba pang prutas na hindi basta-basta natatagpuan sa Luzon.

ANONG LASA at MAGKANO ANG CHUPA-CHUPA?

Ayon sa isang netizen na nagngangalang "Mark Sultan Gersava" na nakabili na sa nabanggit na fruit and food festival, ibinahagi niya sa kaniyang video na naka-post sa Facebook na kung bubuksan ang loob ng chupa-chupa, ito ay "mabuhok" at kakulay ang laman ng isang melon.

Binuksan niya ang prutas sa pamamagitan ng kamay lamang at hindi na kinailangang gumamit pa ng kutsilyo.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Gersava, sinabi niyang ang lasa raw ng chupa-chupa ay parang pinaghalo-halong lasa ng iba't ibang prutas.

"Para siyang pinaghalong papaya, mango, egg fruit, and chico," aniya.

"Yeah, masarap naman!" dagdag pa niya.

Nabili raw niya ang per piraso ng ₱200, at bawat piraso ng prutas ay may bigat na 100 grams.

MASUSTANSYA BA ANG CHUPA-CHUPA?

Ang chupa-chupa, o Quararibea cordata, ay karaniwang tumutubo sa malamig at mataas na bahagi ng Bukidnon. Batay sa mga kumakain nito, tinatawag itong “chupa-chupa” dahil sinisipsip o hinihigop ang katas ng prutas sa halip na nguyain.

Hindi rin ito basta masarap kainin kundi masustansya pa. Batay sa mga eksperto at pag-aaral, mayaman ito sa Vitamin C, antioxidants, at fiber na tumutulong sa pagpapalakas ng resistensya at maayos na panunaw, bukod pa sa potassium at magnesium na mabuti para sa puso at sirkulasyon ng dugo.

Kaya ano pang hinihintay mo, mag-chupa-chupa ka na!