Tatlong minero ang nasawi sa Pantukan, Davao de Oro matapos yanigin ng mga lindol na may magnitude 7.4 at 6.8 ang Manay, Davao Oriental noong Biyernes, Oktubre 10, 2025, ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Davao de Oro.
KAUGNAY NA BALITA: Phivolcs, ibinaba pa sa magnitude 7.4 ang nangyaring lindol sa Davao Oriental
“Nasa mining site kasi sila tapos may gumuho na lupa, natamaan sila ng malalaking bato,” ani Anecito Aguilar Torrejos, Davao de Oro government spokesperson, sa isang radio interview nitong Linggo, Oktubre 12.
Ayon sa ulat, narekober ang mga bangkay ng tatlong biktima habang nailigtas naman ang iba pang mga minero.
Naglabas ng kautusan ang pamahalaang panlalawigan ng Davao de Oro na pansamantalang suspindihin ang lahat ng operasyon ng pagmimina sa lalawigan kasunod ng sunud-sunod na malalakas na lindol.
Dagdag pa nito, kinakailangan munang magsagawa ng pagsusuri ang mga kinauukulang ahensya gaya ng Mines and Geosciences Bureau at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office bago muling payagan ang pagmimina.
“Ongoing yung accounting ng lahat ng mga miners na maaapektuhan nito ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).
Sinabi rin ni Torrejos na handang magbigay ng tulong ang Department of Social Welfare and Development sa mga apektadong minero.
Samantala, umabot na sa walo ang kabuuang death toll sa pagtama ng nasabing lindol habang tinatayang 395 naman ang naiulat na nasaktan.
Sa hiwalay na panayam ng media, nilinaw na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi raw magkakaugnay ang lahat ng lindol na nararanasan sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Aktibo po na gumagalaw yung ating trenches particularly sa Philippine Trench. Pero, yung mga kumakalat po na magkakaroon ng isang malawakang o malakas na mga pagyanig, nagpapalabas ng mga prediction na magkakaroon ng magnitude 8 or 9 earthquake ay wala pong katotohanan,” saad ni Phivolcs senior science research specialist Johnlery Deximo.
KAUGNAY NA BALITA: Phivolcs, nilinaw na 'di konektado mga lindol sa Pilipinas