Ibinahagi ng dating real estate agent ang pagyabong at pagsikat ng kanilang ngayo’y mega-milyonaryong party tray business, na nagsimula sa paghahanda ng mga simpleng lutong-bahay sa kanilang maliit na kusina.
Sa panayam ng Department of Trade and Industry (DTI): Asenso Pilipino kina Chef N Rovillos at Maq Agapito, binalikan nila na nagsimula ang kanilang party tray business na “Ilo’s Party Trays” sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
“Nagsimula talaga sa bahay lang po, dalawang two-burner lang, kami lang po ng mga kasambay, ako tsaka ‘yong asawa ko nagbabalot,” panimula ni Rovillos.
Ibinahagi niya na bagama’t isa na siyang chef noon pa man, hindi rin daw talaga nagamit ni Rovillos ang kaniyang hilig sa pagluluto dahil sa pagtatrabaho niya bilang real estate agent.
Bago rin pumasok sa pagnenegosyo ng pagkain, nagpaplano na siyang umalis ng bansa para mas makahanap ng iba pang oportunidad.
“Dapat paalis ako, mag-aabroad ako para humanap ng ibang tyansa. Then, may kaibigan akong nagpaluto dahil birthday ng daddy niya, doon na nagsimula,” aniya.
Dahil na rin daw sa dagok na dinala ng pandemya sa maraming real estate, hinikayat siya ng kaniyang asawa para bumalik sa pagluluto.
“Pinush niya ko magluto, bumalik sa kusina, at dahil doon sa kaibigan natin na sumporta, um-order, doon po nagsimula lahat,” saad ni Rovillos.
Simula noon, umarangkada na sila Rovillos sa kanilang food business gamit ang puhunan nilang ₱ 13,500 at umikot sa mga subdivision at village.
Ang mga lutong-bahay na kanilang unang ibinenta ay paella, binagoongan, baked salmon, at pasta.
Nang tanungin kung ano ang sikreto sa pagsikat ng kanilang party tray business na “Illo’s Party Trays,” ibinahagi ni Rovillos na tinitiyak nilang walang mababago sa lasa ng mga nakasanayang lutong-bahay ng mga Pilipino.
“Talagang hindi namin tinitipid ang pagkain [and] from the raw materials talagang mabusisi na tayo. Then talaga kung ano ‘yong lasa ng inihahanda sa pamilya, hindi po namin binago ‘yon,” paliwanag niya.
Ibinahagi naman ni Agapito na bagama’t hindi nila inaasahan ang paglaki ng kanilang negosyo, ang sekreto ng paglago nito ay ang kanilang tagline na “dine at home” bago pa man ibaba ang lockdown noong pandemya, na layong humikayat sa mga Pinoy na magdiwang at kumain sa kanilang mga bahay.
Saad naman ni Rovillos na isa pa raw sikreto ng kanilang negosyo ay ang mga anak niya, na unang tumitikim ng kanilang mga lutuin bago ibenta sa publiko.
“Ang talagang sikreto naman ay ‘yong mga anak. Siyempre mga bata, hindi magsisinungaling ‘yan, kapag sinabi nilang hindi masarap, hindi masarap ‘yan,” saad ni Rovillos.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 100 putahe ang “Illo’s Party Trays,” at bukod pa rito, nakilala na rin ito sa bilang “Party Trays to the Stars” dahil sa mga sikat na pangalang um-o-order sa kanilang negosyo.
Bilang matagumpay at patuloy na umuusbong na negosyo sa larangan ng pagkain, ibinahagi nina Rovillos at Agapito ang pagkatuto mula sa pagkakamali at pag-usad mula rito.
“Expect failure, but don’t settle in it. You’ll get bad hires, you’ll lose money, but that’s part of the process. What matters is you learn. There’s always [a] lesson in setbacks but what matters most is you learn fast, and move on faster,” saad ni Agapito.
Sean Antonio/BALITA