Nagbigay ng rekomendasyon si Senate President Pro tempore Panfilo “Ping” Lacson kaugnay sa paraan umano ng pagbawi ng mga pondong nakulimbat mula sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa ibinahaging panayam ng DZMM Teleradyo kay Lacson nitong Sabado, Oktubre 11, 2025, nagmungkahi ang senador tungkol sa pagbabawas umano ng panahon ng pagkakakulong ng mga mapapatunayang sangkot sa korupsyon sa “ghost” project kung magbabalik sila ng aabot sa 80% na kanilang nakulimbat.
“Ang naisip ko lang dahil may mga imbestigasyon na ginawa[...] halimbawa man na mayroong nasasangkot. Politicians man, DPWH man, o contractors man,” saad ni Lacson.
“Halimbawa sa pag-iimbestiga ay nakapag-pre bargaining sila, agreements sa gobyerno at nagsuli man lang ng sabihin na nating 80 percent no’ng kanilang loot in exchange for shorter or shortened jail terms.”
“80 percent of 33 billion [pesos] napunta sa ghost projects, easily that’s at least 26 billion pesos. ‘Yon ang mare-recover natin dahil sa mga nakulimbat nila,” paliwanag pa niya.
Paglilinaw pa ni Lacson, hindi umano ito pagkukompromiso sa kaso bagkus pagbawi sa mga nakulimbat na pondo at pagbibigay ng parusa sa mga mapapatunayang sangkot sa nasabing korupsyon.
“Pero wala pa ring compromise kasi ang pinag-uusapan natin dito [ay] restitution plus retribution. Hindi naman puwedeng restitution lang, libre na sila,” anang senador.
“If I may suggest sa ating mga Korte o kaya sa ating Ombudsman lalo’t bago nga si Sec. [Boying] Remulla[...] kasi hindi mo naman expect na makiki-cooperate fully ‘yan kung walang pre bargaining,” pahabol pa ni Lacson.
Ani Lacson, bagama’t hindi umano uso ang “pre bargaining” sa bansa, magiging posible pa rin ito kung magkakasundo ang mga abogado ng gobyerno at nasasakdal.
“Hindi uso sa atin ‘yong pre bargaining pero puwede namang magkaroon ng pag-uusap sa pamamagitan ng abogado ng gobyerno at saka abogado ng isasakdal o ‘yong mga nasasakdal,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Lacson, malaki umano ang mababawi ng gobyerno kung pagsasamahin nila pati ang mga standards at programa na napatunayang may nakulimbat mula sa pondo ng bayan.
“Easily, flood control at ghost project pa lang iyon, makaka-recover na tayo ng 26 billion [pesos] assuming na magkapayagan sa 80 percent ng kanilang nakulimbat na sabi ko nga, extrapolate natin doon 421 out of 8,000, easily 33 billion [pesos] doon sa 629 billion [pesos][...]”
“Ngayon, kung isasama pa natin lahat ng substandards, kung isasama pa natin ‘yong farm-to-market road na sinabi ni Sen. [Win] Gatchalian na kung 10 million [pesos] per kilometer, mayroon pang nagpepresyo ng 30 million[pesos][...] kung lahat ng ito ay iko-consolidate natin para makabawi tayo doon sa mga taxes ba binayad natin, napakalaki ng mare-recover natin,” paglilinaw pa ni Lacson.
Iginiit din ni Lacson na layunin pa ring mapanagot ang lahat ng maaakusahan sa korupsyon sa mungkahi niyang pre bargaining agreement.
“Assuming na magkakasundo sa tinatawag na pre bargaining agreement na kung saan hindi naman sila papatawarin ng batas. Puwedeng i-deal na i-shortened ‘yong kanilang jail terms kung sakaling sila’y maco-convict kasama ‘yong pagsasauli,” paggigiit pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita