Nagbahagi ng kaniyang saloobin si dating Presidential Spokesperson Harry Roque kaugnay sa pagkakabasura ng International Criminal Court (ICC) sa hiling na interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa pinaunlakang panayam ni Roque sa DZRH noong Biyernes, Oktubre 10, 2025, sinabi niyang malungkot na balita umano ang pagkakabasura ng hiling ng kampo ni FPRRD tungkol sa kaniyang pansamantalang paglaya.
“Ito po talaga ay malungkot [na balita]. Dahil ako po ay personal na [umaasa] na pagbibigyan na ng hukuman ‘yang mosyon dahil nga po sa kaniyang kalagayan na wala na siyang kakayahan para harapin ang mga paglilitis laban sa kaniya,” ani Roque.
Pagpapatuloy pa niya, “labag” umano sa karapatang pantao ni FPRRD ang naging desisyon ng ICC.
“Ang tingin ko po sa desisyon na ito ay desisyong labag sa karapatang pantao ni Tatay Digong na dapat siya’y nasa tamang pag-iisip [kapag] siya ay haharap sa isang paglilitis,” pagdidiin niya.
“Ito po ay labag doon sa probisyon ng ating ICC Rome Statute na kinakailangang ang may desisyon ay towards or in the interest of justice,” pahabol pa ni Roque.
Saad pa ni Roque, “wala” umanong dahilan pa ang ICC para ibasura ang nasabing interim release ni FPRRD dahil “mahina” at “hindi na magiging banta” ang dating Pangulo para sa mga tumitestigo umano sa kaniya.
“Sa akin po, walang dahilan para hindi bigyan ng interim release si Tatay Digong dahil siya nga po ay 80 anyos [at] hindi na po siya magigigng banta sa kahit kaninong testigo o wala na siyang kakayahan para makialam sa mga paglilitis na ito kung ito man ay magpapatuloy[...]” pagtatapos pa ni Roque.
Matatandaang ganap nang hindi pinahintulutan ng ICC ang interim release ni FPRRD.
MAKI-BALITA: 'Rejected!' 'Humanitarian reasons para sa interim release ni FPRRD, 'di pinayagan ng ICC
Ayon ito sa dokumentong inilabas ng ICC noong Biyernes, Oktubre 10, 2025, kung saan kinuwestiyon nito ang umano'y humanitarian grounds hinggil sa medikal na kondisyon ni Duterte habang nakadetine sa kanilang kustodiya.
"The Chamber notes that the Defense limits itself to argue that 'Mr Duterte is 80 years old and medical reports have highlighted [REDACTED],' and that [REDACTED], without substantiating how detention is so detrimental that it justifies his release. It does not explain to what extent Mr. Duterte [REDACTED] and how that would justify his interim release," anang ICC.
Saad pa ng ICC, maayos umanong nakakatanggap ng medical treatment si Duterte sa kanilang kustodiya, bagay na malayo umano sa sinasabi ng kaniyang kampo na hindi naibibigay ang medikal na atensyong kinakailangan niya.
Kaugnay nito, pinagtibay ng ICC ang tahasang "pag-reject" umano nilla sa kahilingan ng kampo ni Duterte.
"The Chamber, therefore, considers that the defence's argument that MR. Duterte should be released for humanitarian reasons must be rejected," giit ng ICC.
Mc Vincent Mirabuna/Balita