Hindi umano mahirap mahalin ang isang Kylie Padilla ayon mismo sa Kapuso hunk actor at “My Father's Wife” co-star niyang si Jak Roberto.
Sa latest episode kasi ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Biyernes, Oktubre 11, natanong si Jak kung nililigawan daw ba niya si Kylie.
“Hindi po,” sagot ni Jak.
Pero tila posibleng ligawan niya si Kylie kung magkaroon man ng pagkakataon.
Sabi kasi ng Kapuso hunk actor, “Hindi siya mahirap mahalin. Napaka-open and genuine. Napakatalinong kausap.”
“So, for me, wala naman sigurong guy na hindi mai-inlove sa kaniya dahil gano’n siya ka-genuine na tao,“ dugtong pa ni Jak.
Sa ngayon, hindi pa raw ito ang tamang panahon para manligaw siya sa aktres dahil gusto niyang ingatan ang kanilang pagkakaibigan.
Ayon kay Jak, komportable na raw sila ni Kylie sa isa’t isa dahil bago pa man sila magtambal sa “My Father’s Wife,” nagkatrabaho na rin sila sa isa pang Kapuso Teleserye na pinamagatang “Bolera.”
“Natuwa ako sa kaniya katrabaho dahil she’s so open kaeksena. Wala na siyang mga walls and inhibitions,” anang Kapuso hunk actor.
Matatandaang parehong single ang dalawa. Pinag-usapan noong Enero ang halos sunod-sunod at makahulugang post ni Kylie patungkol sa relasyon at pagiging single.
Maki-Balita: Kylie Padilla, hiwalay na sa non-showbiz boyfriend?
Gayundin, sa parehong buwan, nagkahiwalay si Jak at ang long-time girlfriend niyang si Kapuso Star Barbie Forteza.
MAKI-BALITA: Matapos 7 taon: Barbie Forteza, Jak Roberto break na!