December 18, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Christophe Bariou, umapela kay DPWH Sec. Dizon sa isyu ng korapsyon sa Siargao

Christophe Bariou, umapela kay DPWH Sec. Dizon sa isyu ng korapsyon sa Siargao
Photo courtesy: Christophe Bariou (IG)/via MB

Nanawagan ang negosyanteng si Christophe Bariou kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na imbestigahan ang mga umano’y anomalya, katiwalian, at mapanirang proyekto sa Siargao Island, matapos niyang ibunyag sa isang mahabang social media post ang laganap na korapsyon at kasakiman sa politika na aniya’y “dekada nang nagpapahirap sa isla.”

Sa kaniyang post na may pamagat na “SIARGAO DESERVES ACCOUNTABILITY,” inilahad ni Bariou, na kilala ring kasintahan ng aktres at environmental advocate na si Nadine Lustre, ang kaniyang pagkadismaya sa “cycle of corruption” na umano’y patuloy na sumisira hindi lamang sa kalikasan ng Siargao, kundi pati na rin sa kabuhayan ng mga lokal na residente.

Ayon kay Bariou, labing-isang taon na siyang naninirahan sa isla at nagsisikap na makatulong sa kabuhayan ng mga Lumad doon. Gayunman, tulad ng iba pang residente, nakaranas umano siya ng harassment, intimidation, at panggigipit mula sa ilang lokal na politiko, dahil sa pagtutol niya sa ilang proyekto at gawaing may bahid ng katiwalian.

Isa sa mga binigyang-diin ni Bariou ay ang pagpapatuloy ng Union-Malinao Bridge Project, na tinutulan nila ni Nadine dahil umano sa ecological damage at posibleng pagkawala ng tirahan ng mga residente. Ayon sa kanya, ipinagpatuloy pa rin ito sa kabila ng kautusan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipahinto ang proyekto matapos mapatunayan ang umano’y falsified approval documents.

Tsika at Intriga

Followers, nagulat: Pambansang Kolokoy may cancer, nasa 2nd cycle na ng chemo!

“Projects like these are happening all over the island, receiving little to no attention because those affected often lack resources, legal protection, or the ability to speak up without fear,” ani Bariou.

Binanggit din niya ang mga nangyari matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette noong Disyembre 2024, kung saan umano’y na-divert at nirepack ang ilang relief goods para magamit sa political purposes. May mga “special logging permits” din umano ang ibinigay sa ilang operator kapalit ng salapi, na nagdulot ng mas malawak na pagkasira sa kalikasan ng isla.

Ibinunyag din ni Bariou ang umano’y ₱50 milyon na alok mula sa isang grupo na nagsabing kumakatawan sa ilang politiko, bilang kapalit ng kanilang pananahimik sa isyu ng tulay. Nang tanggihan nila ito, sinabi umano ni Nadine, “We don’t make deals with corruption… ever.”

Kasunod nito, nagkaroon umano ng mga “random inspections” sa kanilang mga negosyo, at pansamantalang ipinagpaliban ang business permit nila. Dahil dito, naghain si Bariou ng reklamo sa Anti-Red Tape Authority, na kalauna’y pumabor sa kanya.

Nagharap din siya ng kaso sa Korte Suprema at Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y illegal collection ng “tourism and environmental fees” sa Secret Beach sa Barangay Malinao, na bahagi umano ng kanilang lupain.

KAUGNAY NA BALITA: Christophe Bariou, isiniwalat umano'y korapsyon at political greed sa Siargao

Sa dulo ng kaniyang post, umapela si Bariou ng hustisya para sa Siargao at hinimok si Secretary Vince Dizon na imbestigahan ang mga proyekto at lokal na opisyal na sangkot umano sa mga katiwaliang kanyang ibinunyag.

"I respectfully call on Secretary Vince Dizon of the DPWH, whose ongoing efforts to address corruption seem genuine, as well as on every national agency investigating the misuse of public funds, to include Siargao island among their priorities for review and reform," aniya.

Sa ngayon, wala pang tugon o pahayag mula sa lokal na pamahalaan ng Siargao, DENR, o DPWH hinggil sa mga alegasyong ibinulgar ng negosyante.