Usap-usapan ang Instagram post ng negosyanteng si Christophe Bariou hinggil sa mga umano'y katiwalian at kasakiman sa politikang nangyayari sa Siargao, na dekada na ring namamayani sa nabanggit na isa sa mga kilalang tourist attraction sa Pilipinas.
Si Christophe, ay boyfriend ng aktres na si Nadine Lustre, na isa rin sa mga advocate ng pangangalaga sa kalikasan, gayundin sa mga bumoboses sa isyu ng korapsyon.
Mababasa sa pamagat ng kaniyang post ang "SIARGAO DESERVES ACCOUNTABILITY."
Ang isla ng Siargao ay matatagpuan sa probinsya ng Surigao Del Norte sa Caraga Region.
"Corruption and political greed have been eating away at Siargao for decades," sundot pa niya.
Ayon kay Christophe, 11 taon na siyang naninirahan sa Siargao, at nagsisikap siyang makapag-ambag sa kapakanan ng kabuhayan ng mga Lumad doon, subalit kagaya rin umano ng iba, nakararanas daw siya ng harassment at intimidation sa ilang mga lokal na politiko roon, personal man o maging sa mga negosyo niya.
Disgusted na raw si Christophe sa nasasaksihang "cycle of corruption," political bullying sa online at offline, at vote-buying na mismong nasaksihan daw niya sa lugar.
Photo courtesy: Christophe Bariou/FB
Pagkatapos, inisa-isa ni Christophe kung ano-anong mga uri ng katiwalian at political greed ang personal daw niyang naranasan sa nabanggit na lugar.
Una na rito ang pagpapatuloy ng Union-Malinao Bridge Project na tinutulan daw nila ni Nadine, subalit patuloy pa rin daw na itinatayo dahil sa "economic interests."
Ito raw ay sa kabila ng kautusan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) main office na ipahinto ang pagpapagawa nito, dahil daw sa effort na rin ng mga residente at iba pang concerned entities, matapos mapatunayan ang umano'y "falsified approval documents" ng proyekto. Ipinahinto ang proyekto dahil batay sa scientific study, bukod sa ecological damage, makakaapekto ito sa kabuhayan ng mga mangingisdang residente ng Barangay Union. Bukod pa rito, inaasahang marami rin sa mga residente ang posibleng mawalan ng tirahan.
Photo courtesy: Christophe Bariou/FB
"Projects like these are happening all over the island, receiving little to no attention because those affected often lack resources, legal protection, or the ability to speak up without fear," aniya.
Photo courtesy: Christophe Bariou/FB
Pangalawa, tungkol naman sa aftermath ng Typhoon Odette noong Disyembre 2024. Nasaksihan daw ni Christophe na marami sa relief goods ang umano'y "diverted and repacked or rebranded" na ginamit umano sa "political purposes." Ilang "special logging permits" din umano ang naibigay sa ilang operators, na sinamantala umano ang pagkakataon at nagbayad ng "thousand pesos" sa ilang mga lokal, para payagan silang putulin na nang tuluyan ang ilang mga punong natira mula sa pananalanta ng bagyo.
Photo courtesy: Christophe Bariou/FB
Sumunod naman, isyu ng "election bribery." Ilang mga indibidwal daw na nagsabing kumakatawan sa ilang politiko ang lumapit sa kaniya at kay Nadine, at nag-alok sa kanila ng ₱50 million cash kaugnay ng bridge issue.
Nang hindi raw nila tanggapin ang pera, inalok daw sila ng nabanggit na politiko na samahan sila at suportahan sa eleksyon, at saka nila pag-usapan ang tungkol sa tulay.
Sagot daw ni Nadine, "We don't make deals with corruption... ever."
Obserbasyon ni Christophe, "It is now clearer how public money can be turned into a weapon during elections."
Photo courtesy: Christophe Bariou/FB
Dahil daw dito, bigla na lamang daw nagkaroon ng "random inspections" sa mga negosyo niya, subalit bigo naman daw makakita rito ng mga bagay na kuwestiyonable.
Naka-put on hold din ang business permit niya, at nakaranas din umano ng pambubulyaw ang staff niya nang i-record nila ang ginawang aksyon laban sa kanila.
Dahil dito, naghain ng anti-red tape complaint ang negosyante para mabigyan sila ng kaukulang business permit, na pumabor naman sa kanila.
Naghain din siya ng kaso laban sa Supreme Court at Office of the Ombudsman dahil naman sa "illegal collection of tourism and so-called 'environmental' fees," nang biglang magkaroon ng koleksyon sa mga turista para sa "Secret Beach" sa Malinao, na bahagi ng kanilang land property.
Kaya naman, nananawagan si Christophe ng hustisya hindi lamang sa kaniya kundi pati na rin sa buong Siargao, upang matigil na ang mga nabanggit na isyung kinaharap niya. Direkta rin niyang tinawag ang atensyon ni Department of Public Works and Highways Sec. Vince Dizon upang imbestigahan ang mga umano'y anomalya sa Siargao.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang lokal na pamahalaan ng Siargao, DENR, o maging DPWH tungkol sa isyu.