Tila lumakas pa umano ang suporta ni Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga sa Kongreso noong magsimula niyang atakihin si dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Ayon sa inilabas na panayam ng Rated Korina sa kanilang YouTube noong Biyernes, Oktubre 10, 2025, sinabi ng congressman na napansin niya umanong mas sinuportahan siya ng mga kasamahan niya sa Kongreso nang punahin niya maging ang kasalukuyang administrasyon.
“Mas lalong lumakas ako sa Kongreso no’ng lumaban ako kay Romualdez,” panimula ni Barzaga.
“I’m saying this with perfect honesty that there are plenty of people who actually support me in congress when I started criticizing the administration,” pahabol pa niya.
Hinalimbawa rin ni Barzaga ang ginawa umano noong pagpuna ni dating Minority Floor Leader ng House of Representatives Edcel Lagman sa dating administrasyon noong panahon niya.
“For example, the late Edcel Lagman of Liberal Party, he’s a very strong critic against the administration during that time pero marami ding supporters sa kaniya,” anang congressman.
Ani Barzaga, may paraan umano ang mga tao upang respetuhin ang isa’t isa batay sa kakayahan nitong kumilos sa partikular na sitwasyon.
“Because people do not respect people just for the sake of respect or dahil lang nakita mo siya o co-worker mo siya. You respect both of your good friends and your good enemies. So kapag malakas ‘yong kalaban, may respeto ka sa kaniya. Kapag malakas ‘yong kakampi mo, may respeto ka sa kaniya,” saad pa niya.
“Pero kung simpleng tao lang na hinahayaan lang lahat ng nangyayari at nanonood lang, nakikinig lang, we do not respect that kind of person because of what is that kind of person doing?” paggigiit ni Barzaga.
Pagbabahagi ni Barzaga, tila nakita umano ng mga kasamagan niya sa Kongreso na kaya niyang kalabanin si Romualdez kaya siya nagkaroon ng suporta mula sa kanila.
“Parang iniisip nila na ‘this person is an adversary to [former] Speaker Martin Romualdez.’ ‘Yong hindi nila kayang kalabanin, kinalaban ko kaya inisip nila na gano’ng kalakas din ako.”
“Ang we won. That’s the funny part. Ngayon, nag-resign na siya tapos ‘yong DOJ pinapatawag na siya, sa Blue Ribbon [Committee] may hearing na din siya[...]” ‘ika ni Barzaga.
Nag-umpisa umano siyang makatanggap ng suporta nang umalis sa puwesto si Romualdez.
“‘Yong support nila sa akin, hindi nag-umpisa ‘yon noong sinabi kong kailangang imbestigahan si Martin Romualdez. Nag-umpisa ‘yon no’ng nag-resign siya kasi doon nila nakita na if I could do it then they can do the same thing[...]” pagtatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita