June 02, 2026

Home BALITA National

Sen. Kiko, matagumpay na nahikayat gobyerno na itigil na pagbili ng imported rice

Sen. Kiko, matagumpay na nahikayat gobyerno na itigil na pagbili ng imported rice
Photo courtesy: Kiko Pangilinan (FB)

Matagumpay na nahikayat ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang mga opisyal ng gobyerno at local executives na itigil na umano ang pagbili ng mga imported na bigas.

Sa ibinahaging pahayag ni Pangilinan sa kaniyang Facebook noong Huwebes, Oktubre 9, 2025, makikitang nakipagpulong siya sa mga opisyal ng gobyerno partikular kina House Speaker Bojie Dy, Agriculture Secretary Kiko Laurel, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella, ULAP National President at Quirino Governor Dax Cua at iba pa.

Pinasalamatan ni Pangilinan ang mga opisyal ng gobyerno sa pagtugon sa mungkahi niyang tangkilikin ang sariling bigas ng mga magsasaka sa bansa.

“Sa ating pangunguna, nagkaisa ang mga key government officials at local chief executives na itigil na ang pagbili ng gobyerno ng imported rice,” panimula ni Pangilinan sa kaniyang post.

Photo courtesy: Kiko Pangilinan (FB)

Photo courtesy: Kiko Pangilinan (FB)

National

SP Alan, maling-mali sa 'let the Senate go quiet'—Sen. Risa

“Lubos tayong nagpapasalamat kina House Speaker Bojie Dy, Agriculture Secretary Kiko Laurel, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella, ULAP National President at Quirino Governor Dax Cua, Isabela Governor Rodito Albano, House Committee on Agriculture and Food Chairperson at Quezon Rep. Mark Enverga, House Committee on Agrarian Reform Chairperson at Apayao Rep. Leah Bulut-Begtang, at League of Municipalities of the Philippines National President at Echague, Isabela Mayor Inno Dy sa kanilang suporta sa ating panawagan,” pag-iisa-isa pa niya. 

Pagpapatuloy ni Pangilinan, mahalaga umanong lokal na bigas mula sa lokal sa magsasaka ang binibili ng mga ahensya ng gobyerno.

“Dapat lokal na bigas at lokal na ani mula sa ating mga magsasaka ang pangunahing binibili ng national government agencies, GOCCs, at LGUs,” anang senador. 

“Sa ganitong paraan, masisiguro nating direktang napapakinabangan ng mga magsasaka at mangingisda ang bilyon-bilyong pisong budget sa food procurement ng gobyerno, ayon sa ating Sagip Saka Act,” paliwanag pa ni Pangilinan. 

Ani Pangilinan, layunin umano niyang tulungang umunlad ang agrikultura para sa mga magsasaka sa bansa at para magkaroon ng “abot-kayang” presyo ng pagkain para sa lahat ng mga Pilipino. 

“Walang kulay ang gutom. Patuloy tayong magtulungan para sa mas maunlad na agrikultura, mas mataas na kita ng ating mga magsasaka, at mas abot-kayang pagkain para sa lahat,” pagtatapos pa niya.

Mc Vincent Mirabuna/Balita