Nagbahagi ng pakikiisa at pakikidalamhati si Sen. Bong Go sa mga nabiktima ng magnitude 7.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental, nitong Biyernes, Oktubre 10.
“Nakikidalamhati at nakikiisa ako sa mga kababayan kong Dabawenyo na tinamaan ng lindol kaninang umaga na may epicenter sa Manay, Davao Oriental,” saad ni Go sa kaniyang Facebook post.
Ibinahagi rin ng Senador na personal niyang mino-monitor ang sitwasyon at nakaantabay ang kanilang Malasakit Team para makapagbigay ng agarang-tulong sa mga komunidad na tinamaan ng lindol.
Sa pahayag ring ito, nanawagan si Go sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyakin na agad maipamamahagi ang mga immediate assistance sa mga residente.
“Nananawagan ako sa mga ahensya ng ating pamahalaan na siguraduhing maibigay kaagad ang mga immediate assistance, katulad ng pagkain, tirahan at gamot. Tulungan nating makabalik kaagad sa normal na pamumuhay ang ating mga kababayan,” panawagan niya.
Para naman sa mga lokal na opisyal, inaapela ni Go ang pagsasagawa ng mga inspeksyon sa mga apektadong gusali para matiyak ang structural integrity ng mga ito, at para na rin maiwasan ang bantang panganib nito.
“Umaapela naman ako sa ating mga local officials na magsagawa ng mga inspections sa mga apektadong gusali at tahanan at siguraduhin ang structural integrity ng mga ito. Sunud-sunod ang mga panibagong lindol at aftershocks na pwedeng magdulot ng pagkasira ng mga gusali at panganib sa buhay ng mga apektadong kababayan natin,” aniya.
Sa pagtatapos ng pahayag, tiniyak ni Go na palaging bukas ang kaniyang opisina para tumulong sa abot ng kaniyang makakaya.
“Palaging bukas ang aking opisina at handa kaming tumulong sa abot ng aming makakaya,” pagtityak niya.
“Mga kababayan ko, patuloy lang tayong magdasal at manalig sa Panginoon. Marami na tayong mga dinaanan noon na sumubok sa ating pagkakaisa. Ito ang panahon na ipadama natin lalo ang ating malasakit sa ating kapwa. Amping kitang tanan. Bangon, Davao,” dagdag pa niya.
Sean Antonio/BALITA