Ipinahayag ni incoming Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025, ang kaniyang kumpiyansa na mapapanagot ang mga opisyal na sangkot sa katiwalian sa mga proyekto ng flood control.
“Sigurado 'yan. Kagaya nitong flood control ghost project, open and shut case 'yan. Hindi rocket science 'yan. Pwede talagang panagutin lahat ng involved dyan,” ani Remulla sa panayam sa kaniya ng Unang Balita.
Dagdag pa niya, “Ang problema lang diyan, how far up the food chain do you go? Hanggang saan tayo merong ebidensya? 'Yan ang ating pinag-aaralan ngayon.”
Ayon pa kay Remulla, magsasagawa ang Office of the Ombudsman ng isang motu proprio investigation o imbestigasyong kusa nitong ilulunsad hinggil sa isyu, katuwang ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP).
Sinabi rin ni Remulla na hindi pa matiyak kung kailan maparurusahan ang mga opisyal na sangkot sa nasabing katiwalian. Gayunman, aniya, kung magtutuloy-tuloy ang mga paglilitis, maaaring magkaroon ng hatol sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.
“Hihingi tayo ng continuous trial sa korte. At makikipag-dialogue ako sa judiciary tungkol dito para lang naman ang rules of the game malinaw. Ang dapat iwasan dito ang dilatory tactics ng mga defense counsel, usually,” saad pa ni Remulla.
Maki-Balita: KILALANIN: Ang bagong Ombudsman na si Jesus Crispin 'Boying' Remulla