Nagbigay ng pahayag si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa mga plano niya para sa mabisang pagseserbisyo maging sa labas umano ng prosecutorial ng kaniyang pagiging Ombudsman.
Ayon sa naging panayam ni Remulla sa media nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025, inihalimbawa niya ang planong gawin para sa public utilities at paraan para sa regulatory capture.
“Ang example ko sa inyo d’yan, public utilities [at] regulatory capture,” panimula ni Remulla.
“Ngayon pa lang, sasabihan na natin ‘yong mga Telco [Telephone company], iayos nila ‘yong kanilang sistema para puwede nating mahuli ‘yong lahat ng gumagawa, bumibili, nakikihalubilo, [at] nakikilahok sa child pornography,” saad pa ni Remulla.
Pagpapatuloy pa ni Remulla, ang Telco umano ang hindi gusto maglabas ng batayan para sa kanilang IPv6 sa kanilang sistema.
“Telco lang kasi, ayaw nilang ilabas ang standard ng IPv6 sa kanilang mga sistema. IPv6 means any instruments used sa lahat ng krimen sa child pornography at sex exploitation,” anang Ombudsman.
Ayon kay Remulla, kailangan umanong maisakatuparan iyon ng mga Telco para mahabol at matukoy nilang ang mga taong gumagawa ng nasabing krimen.
“Kinakailangan talaga na itaas nila ‘yong batayan para [kahit] anong instrumento, mahahabol natin. Hindi puwede na gano’n na lang na tipid sila nang tipid, ang mga tao rin ang nahihirapan,” paglilinaw niya.
Ani Remulla, hindi lang umano Telco ang plano nilang pahigpitan kundi maging ang iba pang mga ahensya.
“At ‘yong mga accountability ng mga regulatory agencies, sisikipan din natin para naman maging maayos ang buhay ng mga Pilipino,” pagtatapos pa ni Remulla.
MAKI-BALITA: Remulla, nanumpa na bilang bagong Ombudsman; nilinaw na hindi lang SALN ni VP Sara iimbestigahan
MAKI-BALITA: 'Sigurado 'yan!' Ombudsman Remulla, kumbinsidong may mapapanagot sa maanomalyang flood control projects
Mc Vincent Mirabuna/Balita