Nagbigay ng kaniyang palagay si Sen. Win Gatchalian na magtayo na lamang daw ng bagong Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasasadlak ngayon sa iba't ibang isyu ng korapsyon at anomalya, kaugnay ng flood control projects at iba pang substandard na infrastructure projects.
Sinabi ito ni Gatchalian nang matanong siya sa naganap na "Kapihan sa Senado," Huwebes, Oktubre 9.
"Kung ano tatanungin, magtayo na lang ng bagong DPWH eh," aniya nang matanong ng media tungkol dito.
"Kumuha ng bagong tao dahil... ako kasi naniniwala kung hindi mo... ang aking philosophy sa management, darating ka kasi sa punto na kung hindi mo maayos iyan gumawa ka na lang ng bago."
"I think it will take years and years for Secretary Vince [Dizon] to clean up," aniya pa.
Nabanggit ni Gatchalian na ayon sa latest update, hindi lamang sa Bulacan may naitatalang flood control projects kundi maging sa iba pang lugar sa buong Pilipinas.
Pero giit ni Gatchalian, hindi naman niya ito ipinapanukala sa ngayon dahil ito ay "extreme measure" at marami pang dapat gawin at pag-isipan.
Samantala, sinabi ni DPWH Sec. Dizon na 421 sa 8,000 flood control projects na ininspeksyon ng DPWH ay pawang ghost projects o hindi talaga nasimulan. Karamihan daw dito ay nasa Luzon, at inaasahang dadami pa ang bilang sa mga susunod na araw.
Tumanggi si Dizon na ibunyag kung saang mga lalawigan o rehiyon nakatuon ang mga nasabing proyekto.
Nitong Huwebes din nang magtungo ang kalihim ng DPWH sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang isumite ang ulat kaugnay ng mga isinagawang inspeksiyon.
KAUGNAY NA BALITA: DPWH, aminadong may trust issues na; inatasan PNP, AFP sa flood control inspection