December 18, 2025

Home BALITA National

Ilang empleyado ng HOR, tumigil muna magsuot ng uniporme sa takot na mapag-initan

Ilang empleyado ng HOR, tumigil muna magsuot ng uniporme sa takot na mapag-initan
Photo courtesy: HOR Philippines/FB


Ilan sa mga empleyado at manggagawa mula sa House of Representatives (HOR) ang napaulat na tumigil muna sa pagsusuot ng kanilang mga uniporme upang makaiwas umano sa galit at komprontasyon ng mga tao, hinggil sa hinaharap na kontrobersiya ng Kongreso sa anomalya at iregularidad ng mga flood control projects sa bansa.

Sa flag-raising ceremony na pinangunahan ng Tanggapan ng Senior Citizens Partylist kamakailan, ibinunyag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na may mga staff daw ang Kamara na pinipili na lamang na tanggalin ang kanilang uniporme tuwing papasok.

“Alam kong hindi madali ang sitwasyon ng Kongreso sa panahong ito. Mabigat ang hamon sa ating institusyon at maging sa bawat isa sa atin. May nabalitaan nga po ako na may mga kasamahan tayong kailangang magpalit o mag-alis ng uniporme bago pumasok dahil sa takot na mapag-initan habang nagko-commute papunta dito sa Kongreso,” ani Dy.

Masakit umano ang katotohanang bumababa ang tiwala ng publiko sa institusyon, ngunit ito raw ay isang paalala upang mas pagbutihin ang trabaho.

“Masakit mang tanggapin, talagang bumaba ang tiwala ng taumbayan sa ating institusyon. Pero ito rin ay paalala na mas kailangan nating pagbutihin ang ating trabaho at ibalik ang tiwalang iyon sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod,” aniya.

“Tandaan lang natin lahat: sa bawat bagyo, may araw na muling sisikat. Sa bawat gabi ng dilim, may liwanag na paparating. Laging may liwanag sa dulo ng bawat lagusan,” dagdag pa niya.

Nagpasalamat naman ang House Speaker sa mga staff na walang tigil ang pagtatrabaho para sa bayan.

“Walang batas na maipapasa at walang sesyon na maisasagawa kung wala ang inyong sipag at dedikasyon. Walang katumbas na salita ang aming pasasalamat. Muli, maraming, maraming salamat sa inyo,” anang House Speaker.

“Ito ang paalala na sa Kongreso, walang nag-iisa. Lahat tayo ay may mahalagang papel — mula sa mga mambabatas hanggang sa mga simpleng kawani — upang magtaguyod ng isang makabayan, tapat at maaasahang paglilingkod,” dagdag pa niya.

Matatandaang nagbaba rin ng direktiba ang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Sec. Vince Dizon na huwag munang ipasuot sa mga empleyado ang kanilang “prescribed uniform,” dahil sa mga ulat na ang mga ito raw ay nakararanas ng “bullying” at “harassment,” na may kaugnayan sa anomalya ng ilang flood control sa bansa.

"Ang pinakamasakit na tinatamaan dito sa lahat ng nangyayaring ito, dahil sa ilang mga masasamang mga tao dito sa DPWH, ay yung mabubuting tao dito sa DPWH na mas nakararami. Kawawa naman sila. Pag sumasakay sila sa MRT, sa jeep, sa bus, naka-DPWH uniform sila, hina-harass sila,” ani Dizon.

KAUGNAY NA BALITA: DPWH employees, nabubully, nahaharass kaya 'di muna pinagsusuot ng uniporme-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA