Ininspeksyon ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang humigit-kumulang 8,000 proyekto ng flood control sa buong bansa, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025.
Bukod sa mga tauhan ng pulisya at militar, sinabi ni Dizon na nakibahagi rin sa sabayang inspeksiyon ang mga kawani mula sa Department of Economy, Planning, and Development.
Tumanggi si Dizon na ibunyag kung saang mga lalawigan o rehiyon nakatuon ang mga nasabing proyekto.
Nitong Huwebes din nang magtungo ang kalihim ng DPWH sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang isumite ang ulat kaugnay ng mga isinagawang inspeksiyon.
Kasama ni Dizon sa pagpunta si DPWH Undersecretary for Regional Operations Arthur Bisnar at si ICI Special Adviser at Investigator dating PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin.
Ayon kay Dizon, pormal nang makikipag-ugnayan ang DPWH sa ICI para sa pagtatalaga ng mga tauhan ng AFP at PNP na tutulong sa pag-iimbestiga sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Dagdag pa niya, walang “no-go zones” o lugar na hindi saklaw ng inspeksiyon.
“The strategy is to tap them. DPWH has trust issues we need independent validators,” ani Dizon.
Samantala, sinabi naman ni Azurin na nakipagpulong sa ICI nitong Miyerkules na hindi dapat mainip ang publiko, at hinikayat niya ang suporta ng mamamayan, dahil aniya, hindi ito dapat gawain lamang ng isang ahensiya kundi ng buong sambayanang Pilipino.