Nanindigan ang Senado nitong Huwebes, Oktubre 9, sa desisyon nitong i-cite in contempt ang kontratistang si Pacifico "Curlee" Discaya II, sa pagsasabing ang kautusan ay isinagawa alinsunod sa konstitusyonal na kapangyarihan ng mataas na kapulungan.
Ito ay kasunod ng paghahain ni Atty. Cornelio Samaniego III ng petisyon para sa writ of habeas corpus para kay Discaya, halos isang buwan matapos itong i-cite in contempt ng Senado.
“In a hearing held before the Regional Trial Court (RTC) of Pasay City, Branch 298, presided over by Hon. Melvin Cydrick Bughao, the court ordered that Discaya remain under the safekeeping of the Senate Sergeant-at-Arms,” anang tanggapan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon sa kanilang pahayag, iginiit ng mga abogado ni Discaya ang isyu ng legalidad ng kaniyang patuloy na pagkakapiit sa gusali ng Senado, habang ang panig ng mga respondent ay kinatawan ng legal counsel ng Senado.
“The Senate remains firm in its decision, asserting that the contempt order against Discaya was issued within its constitutional authority,” saad ng opisina ni Sotto.
Sinabi pa ng opisina ni Sotto na nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig sa Lunes, at pagkatapos nito ay isasalin na ang kaso sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa mga susunod na pagdinig.
Naunang i-cite in contempt si Discaya ng Senate Blue Ribbon Committee matapos umanong magsinungaling kaugnay sa umano’y di pagdalo ng kanyang asawang si Sarah sa pagdinig hinggil sa mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control noong Setyembre 18.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Health issue o may meeting?' Curlee Discaya, ipina-contempt dahil sa maling palusot para sa misis niya
Samantala, nitong Miyerkules ay nagsampa ng mga kasong may kaugnayan sa buwis ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban kina Curlee, kaniyang asawang si Sarah Discaya, at isang opisyal ng kumpanya, dahil sa umano’y ₱7.1 bilyong pagkakautang sa buwis mula 2018 hanggang 2021.