Inihain sa Kamara ang House Bill (HB) 5179 o ang “Free Period Products Bill” kamakailan sa layong makapagbigay ng libreng menstrual hygiene products sa mga pampublikong paaralan at health centers sa bansa, sa pangunguna ng AKBAYAN Partylist.
Ayon sa panukalang-batas, bilang pagkilala sa mahalagang gampanin ng kababaihan sa pagyabong ng bansa, titiyakin ng HB 5179 ang pagkakaroon nila ng ligtas at abot-kayang edukasyon at menstrual products.
“The State recognizes the role of women in nation-building and shall therefore protect and promote their empowerment. In the pursuit of this policy, the State shall ensure that girls and women have access to proper menstrual health and hygiene. This includes providing safe, affordable, and accessible menstrual products and education,” saad sa Section 2 ng panukala.
Ayon din kay Akbayan Party-list Rep. Dadah Kiram Ismula, ang Free Period Products Bill ay naglalayong bigyang-solusyon ang “period poverty” sa bansa.
"The cost of pads and tampons has been a silent barrier, forcing girls to miss classes and women to skip work. Ang pagbibigay natin ng libreng menstrual products ay hindi lang usapin ng kalusugan, kundi katarungan din,” saad ni Ismula sa kaniyang pahayag.
Dahil dito, ano ang “Period Poverty” at paano ito mabibigyang-solusyon ng “Free Period Products Bill?”
Ayon sa United Nations (UN Women), ang period poverty ay tumutukoy sa kawalan ng access sa menstrual products, sanitation, at hygiene facilities, maging sa tamang edukasyon at kaalaman tungkol sa menstrual health at hygiene.
Sa dagdag na pag-aaral ng UN Women, ang period poverty ay isang global health issue na nakaaapekto hindi lamang sa mahihirap, kung hindi maging sa mayayamang bansa sa mundo.
Ito rin ay pinapalala pa ng mga stigma, diskriminasyon, at kakulangan ng tamang impormasyon at edukasyon sa ilang mga bansa (UN Women, 2025).
Sa ulat ng World Bank, 8% ng mga batang babae sa Pilipinas ay naitalang lumiliban sa klase dahil sa pagkakaroon ng regla, kung saan, ilan sa kanila ay nakararanas ng matinding pananakit ng katawan, at bilang pag-iwas sa bullying at diskriminasyon sa paaralan (UNFPA, 2025).
Paano ito masosolusyonan ng “Free Period Products Bill?”
Sa ilalim ng panukala, binibigyang direktiba ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), State Universities at Colleges (SUCs), at Local Government Units (LGUs) na mamahagi ng iba’t ibang period products tulad ng sanitary napkins, tampons, reusable pads, at menstrual cups sa mga pampublikong paaralan at barangay health center.
Bukod pa rito, ang mga paaralan at healthcare providers ay inatasan na magkaroon ng emergency stockpiles ng feminine hygiene products sa kasagsagan ng mga kalamidad at sakuna.
“The Free Period Products Bill is a pro-poor and pro-women measure. Panahon na para gawing libre at accessible ang menstrual products para sa lahat,” saad ni Ismula.
Sean Antonio/BALITA