Nagbigay ng pahayag 1Sambayan at Trillion Peso Movement kaugnay sa inaasahan nilang konkretong resulta tungkol sa imbestigasyon sa mga korapsyong nangyayari sa bansa base umano mismo sa direktiba noon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon ito sa naging panayam ng True FM sa convenor ng 1Sambayan at spokesperson ng Trillion Peso Movement na si Atty. Howard Calleja nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025.
Ani Calleja, nagbigay umano sila noon ng 120 bilang ng mga araw sa Pamahalaan matapos ang naging malawakang kilos-protesta nila noong Setyembre 21, 2025, para makita ang nasabing konkretong resulta ng Pangulo.
“Kung maaalala mo, nag-press con kami. Sabi nga namin, mga 120 days from that time na nag-rally tayo [noong] September 21,” saad ni Calleja.
“Sana by November 30, mayroon na tayong konkretong makita, mayroon nang makulong, mayroon nang pera na na-freeze, pera na na-forfeit,” dagdag pa niya.
Pagpapatuloy pa ng abogado, maganda naman umano ang direktiba noon ni PBBM ngunit ikinababahala nilang “lip service” ang kalabasan ng lahat.
“Alam mo, sabi namin, maganda ‘yong ginawa ni Pangulong Bongbong Marcos. Pero baka naman lip service lang. Baka naman puro salita. Kailangan ilagay niya sa gawa,” ‘ika ni Calleja.
Pinaalalahan rin niya si PBBM na kailangan na umanong magkaroon ng resulta ang imbestigasyon sa mga korapsyon bago sumapit ang darating na Nobyembre 30 kung kasunod na nagpaplano ang kanlang grupo na magsagawa ng mas malaking kolektibong pagkilos.
“I think, kung talagang gusto niya ng aksyon, ay talagang kailangan na magkaroon ng concrete na resulta before November 30 or thereabouts,” pagtatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita