Nasakote ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division (NBI-CCD) ang isang vlogger sa Pagadian City dahil sa Inciting to Sedition sa ilalim ng Article 142 ng Revised Penal Code.
Sa isang Facebook post ng NBI nitong Miyerkules, Oktubre 8, sinabi nilang nag-ugat umano ang pag-aresto sa vlogger na si “Mike Romero” dahil sa malisyoso nitong post tungkol kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ibinahagi kasi ni Mike sa kaniyang Facebook page ang kuhang larawan ng Pangulo sa Bogo City Hall kalakip ang caption na “Headhost.”
Kaya naman ilang araw matapos maipaskil ni Mike ang larawan, tumungo ang mga ahente ng NBI-CCD sa Pagadian upang tugisin siya.
Ayon sa panayam ng ABS-CBN News sa suspek nito ring Miyerkules, hindi raw niya inakalang totoo ang mga NBI.
“Actually, ‘di talaga ako naniwala totoo ‘yong NBI. Kasi sa amin kasi sa Bisaya, hindi naiintindihan ‘yong word na ‘yon. Tapos nakita naman talaga do’n sa mga post na hindi ko naman talaga sariling post ‘yong mga picture,” ani Mike.
Samantala, nilipat na ang suspek sa opisina ng NBI-CCD sa Pasay para sumailalim standard booking procedures.