December 13, 2025

Home BALITA

Usec. Castro, pinabulaanang siya ang papalit bilang DOJ Secretary

Usec. Castro, pinabulaanang siya ang papalit bilang DOJ Secretary
Photo courtesy: RTVM/YT


Pinasinungalingan ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na siya ang nakatakdang pumalit sa puwesto ni dating Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Ito ay kaugnay sa anunsyo ng Presidential Communications Office (PCO), sa bagong posisyon ni Remulla matapos siyang piliin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bagong Ombudsman noong Martes, Oktubre 7.

MAKI-BALITA: DOJ Sec. Remulla, itinalaga bilang bagong Ombudsman ni PBBM-Balita

Ibinahagi ni Usec. Castro sa isinagawang press briefing ng Palasyo nitong Miyerkules, Oktubre 8, na wala umanong katotohanan ang mga kumakalat na impormasyon na siya ang hahalili kay Remulla bilang Justice Secretary.

“Unang-una po, hindi po natin alam kung saan nagsimula ‘yan. So, wala pong katotohanan ‘yan,” ani Usec. Castro.

Nang tanungin kung tatanggapin ba niya, kung sakaling ialok ni PBBM, hindi raw umano niya ito masasagot.

“Hypothetical question, I cannot answer,” sagot ni Usec. Castro.

Sa kasalukuyan, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Pangulo hinggil sa susunod na kalihim ng DOJ.

Vincent Gutierrez/BALITA