Pinasaringan ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang mga umano’y bumabatikos sa kaniya, kaugnay sa kaniyang pagpuna at pagtuligsa sa gobyerno.
Ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Oktubre 8, ang mga pahayag niya ukol dito.
“May mga bumabatikos po saatin dahil ang lakas daw po natin pumuna sa gobyerno pero kapag may kalamidad ay konti lang naman daw po ang naihahatid natin na tulong sa tao. Hindi kailangan isumbat ang tulong, malaki man o maliit,” ani Guanzon.
“Isa pa, mula po nung 2022 kahit hindi pinaupo ni Martin Romualdez sa Kongreso at tuloy tuloy po ang tulong natin sa ating mga kababayan sa buong bansa gamit ang ‘PERSONAL’ na pera na pinaghirapan,” dagdag pa niya.
Pinasaringan niya rin ang mga opisyal na umano’y ipinapaskil ang mga mukha nila sa relief o ayuda.
“Kayo nga itong mga opisyal na ang kakapal ng mukha para ipaskil ang mukha at pangalan nila sa mga relief o bigayan ng ayuda sa mahihirap na di naman nila pera, government funds yan na galing sa taxpayer tapos ipapaskil mo ang pangit mong mukha buti kung gandarah kaso ang chaka doll talaga siz!” pasaring pa niya.
Kaugnay nito, nanindigan ang dating Comelec commissioner na dapat na talagang ipasa ang panukala ni dating senadora Miriam Defensor-Santiago.
“Kaya dapat na talaga ipasa ang Anti-Epal Bill ni [dating] Senator Miriam para mawala na ang mga ganito nakakabuwisit sa araw-araw. Galit daw sa trapo pero galawang trapo, stop mo niyo yan mga mhie!” anang dating commissioner.
Matatandaang kamakailan lamang ay hinalimbawa niya si dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III sa mga opisyal na ginamit umano ng mga “nakaupo”.
“Huwag na po tayo magpagamit sa mga nakaupo ngayon. Tignan niyo nalang ang taong ito, ang daming niyang sinakripisyo at sinunod na order mula sa nakakataas sa kanya, lahat yun ginawa niya,” saad ni Guanzon.
KAUGNAY NA BALITA: Sey ni Guanzon sa 'nasayang' na serbisyo ni Gen. Torre: 'Huwag na tayong magpagamit sa mga nakaupo!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA