Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules, Oktubre 8, na sumakabilang-buhay na ang isang Pinoy seafarer na kritikal na nasugatan nang atakehin ng mga rebeldeng Houthi ang sinasakyan nitong cargo vessel sa Gulf of Aden noong Setyembre 29.
Sa isang paskil sa kaniyang opisyal na X account (dating Twitter), nagpaabot si DMW Secretary Hans Leo Cacdac ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.
Tiniyak rin niya ang kahandaan ng pamahalaan na magpaabot ng kinakailangang tulong sa kanila.
“We convey the sad news of the passing of the Filseafarer critically injured during the Sept 29 attack on the MV Minervagracht in the Gulf of Aden. Our deepest sympathies to his family. Per the President's directive, we are providing them with full support and assistance,” ani Cacdac.
“I am en route to Djibouti to work with DFA-PE & the shipowner for the shipment of our deceased seafarer, and to visit our other injured seafarer recovering in hospital. I am with @DMWPHL Asec Jerome Pampolina and the wife & sister of our dearly departed slain seafarer,” aniya pa.
Matatandaang ang cargo vessel na MV Minervagracht ay inatake ng isang hindi tukoy na projectile ng mga rebelde at nagtamo pa ng sunog, habang naglalayag may 120 nautical miles sa port city of Aden.
Nasagip naman ng mga rescuer ang 19 tripulante ng barko, na kinabibilangan ng mga Pinoy, Russian, Ukrainian, at Sri Lankan nationals.
Sa naturang bilang ng mga tripulante, 12 ang Pinoy at dalawa sa kanila ang nasugatan sa pag-atake.
Nagtamo lamang umano ng minor injury ang isa sa mga sugatang Pinoy habang seryosong nasugatan ang isa pa, na malaunan ay binawian rin ng buhay.
Una naman nang nakauwi sa bansa ang 10 sa mga tripulanteng Pinoy noong Oktubre 5.